Math professor sa 433 nanalo ng P236M Lotto jackpot: ‘Di inaasahan pero ‘di imposible

Math professor sa 433 nanalo ng P236M Lotto jackpot: ‘Di inaasahan pero ‘di imposible

October 3, 2022 @ 12:06 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng propesor ng matematika nitong Lunes na hindi pangkaraniwan pero hindi rin imposible para manalo ang 433 mananaya ng P236,091,188.40 jackpot prize sa 6/55 Grand Lotto nitong Sabado.

Sinabi ni University of the Philippines Institute of Mathematics professor Dr. Guido David na mayroong 29 milyong kombinasyon para sa anim na numero ang kinakailang upang manalo sa 6/55 Grand Lotto jackpot. Nangahulugan ito na kung tataya ang isang indibidwal sa 29 milyong kombinasyon, inaasahang mananalo siya nang isang beses.

Ang hindi umano pangkaraniwan ay marami ang nakakuha ng tamang kobinasyon.

“Ang napansin natin na medyo unusual ay yung maraming nanalo. 433. Parang hindi nangyayari ito madalas, in fact bihirang-bihira,” aniya.

“Cinompute natin yung probability at napakaliit…Kung bibilangin natin ilang molecules sa buong mundo…mas kaunti,” dagdag ng eksperto.

“Kahit ilang bilyong taon na gagawin natin yung lotto, yung pagpupusta, parang hindi natin ine-expect na mangyayari itong ganito. Pero hindi naman naming sinasabing imposible,” giit niya.

Subalit, inihayag ng ekepserto ang pagsuporta sa mga panawagan na imbestigahan ito.

Umapela sina Senators Koko Pimentel at Risa Hontiveros na imbestigahan ang resulta ng Lotto draw.

“Hindi naman dapat ilabas sa publiko yung mga pangalan, kumbaga may privacy sila , pero I agree na kailangan, at least may parang inquiry or ayon nga, investigation,”sabi ni David.

“Tulad sa mga casinos, kunyari sa PAGCOR, pag may nangyaring kakaiba na out of the realm of probability, ay iniimbestigahan nila or gumagawa sila ng audit.” RNT/SA