Matik na regularization sa gov’t employees pinasasabatas sa Kamara

Matik na regularization sa gov’t employees pinasasabatas sa Kamara

August 15, 2022 @ 7:25 AM 2 months ago


Manila, Philippines –  Upang mabigyang daan na maregular ang may 660,000 na contractual at job order employees sa gobyerno ay inihain ni Kabayan Partylist Rep. Ron Salo ang House Bill 521 na mas kikilalanin din bilang Automatic Civil Service Eligibility Act.

Ito ay upang magkaoon ng pag-asang ma-regular ang  mahigit 660,000 contractual at job order employees sa gobyerno sa kanilang trabaho kahit wala silang civil service eligibility lalo pa at matagal ng nagsisilbi sa pamahalaan.

Binanggit ni Salo ang record ng Civil Service Commission (CSC) na inilabas noong 2017 ay umaabot na sa mahigit 2.4 milyon ang empleyado ng gobyerno na kinabibilangan ng 1.5 milyong career service personnel, 200,000 non-career service personnel at mahigit 660,000 contractual o casual workers.

“Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi mabigyan ng full entitlement ang mga contractual, casual o job order employees ay dahil wala silang eligibility para maging kuwalipikado at maregular sa kanilang trabaho,” dagdag pa ng kongresista.

Sa ngayon aniya ay nagiging basehan ng pagbibigay ng eligibility ay sa pamamagitan ng eksaminasyon, at hindi nabibigyan ng konsiderasyon ang kanilang karanasan gaano man sila katagal na sa serbisyo sa gobyerno.

Ito aniya ang dahilan kung bakit kahit ilang taon at dekada nang nagtatrabaho ang mga empleyadong ito sa gobyerno ay hindi maibigay sa kanila ang karapatang magkaroon ng security of tenure.

Nanawagan si Salo sa mga kasamahang kongresista na maipasa ang HB 521 upang matulungan ang mga emplado ng gobyerno na mga contractual, casual o job order employees at otomatikong mabigyan sila ng civil service eligibility kapag nagtagal sila sa kanilang trabaho nang tatlong (3) taon.

Nakapaloob pa sa panukala ni Rep. Salo na kahit naputol ang serbisyo subalit nakapagserbisyo nang kabuuan ng limang (5) taon ang isang contractual, casual o job order employees ay pagkakalooban pa rin ito ng Civil Service Eligibility.

“If the employee in the government has been continuously rehired or have their contract renewed consecutively for a period of three (3) years or more, or been re-hired for at least five (5) years even if not continuous, it can be presumed that the employee has been performing functions that are necessary and desirable in furtherance of the government’s mandate.”

Kailangan din aniyang maging ehemplo ang gobyerno sa private sector lalo na’t itinutulak ng estado na tapusin ang “Endo” o 5-5-5 scheme at sumunod sa Labor Code na sa loob ng anim (6) na buwan ng employment ay dapat maregular ang kanilang mga empleyado.

“The 1987 Philippine Constitution explicitly provides that the State must endeavor to protect the security of tenure of each employee, which provision applies to both in the public and the private sectors. It is imperative upon Congress to craft the necessary legislation in order to protect this constitutional right,” dagdag pa ni Salo. Meliza Maluntag