MATINDING PAGSUBOK KAY PACMAN

MATINDING PAGSUBOK KAY PACMAN

July 8, 2021 @ 8:54 PM 1 year ago


WALA sa bansa si Sen. Manny Pacquaio dahil ito ay tumungo sa Estados Unidos para sa nalalapit na laban kay undefeated boxing champion Errol Spence.

Mahirap ang lahat ng naging laban na matagumpay na napanalunan – maliban sa iilan – pero ang nakatakdang giyera kay Spence ay tiyak na malaki ang ‘role’ na gagampanan sa umiinit na political life ng pambansang kamao.

Kilala ang ‘di matatawarang disiplina ni Pacman kapag dumarating ang laban. Ensayo ito the max para masiguro na 100 porsyento na ready ang katawan kaya nga palaging nananalo sa kanyang mga boxing fight.

Sa laban ngayon kay Spence, si Pacman ay dehado ayon sa pagtataya ng mga boxing expert dahil dalawang taon na hindi lumaban habang bata at matangkad ang kalaban na isang champion na hindi pa natatalo sa ring.

Kaya kung nais ni Pacquaio na maagaw ang championship belt ni Spence, kailangan niyang triplehin ang sipag sa pag-eensyo para masigurong pagdating ng laban sa buwan ng Agosto ay magagapi niya ang American champion.

Maliban sa pagkabata na hirap sa buhay, walang pagkain at ika nga ni Pacman ay hindi makumpleto ang tatlong beses na kain sa isang araw, ang laban kay Spence ay napakahirap na kailangan niyang mapagtagumpayan.

Dahil ang pagkapanalo at pagkatalo ang magsisilbing ‘game-changer’ sa maalamat na buhay boksingero at lingkod bayan na nahaharap ngayon ng matinding pugsubok dala ng magulong mundo ng pulitika.

Sa mga political pundit, kailangang maiuwi ni Pacquaio ang championship belt dahil ito’y magsisilbing plus plus factor para maibangon ang tinutuglisa at minamaliit niyang political career ng kanyang political critic.

Sa totoo lang, malaking dagok ang mga negatibong pahayag ni Pangulong Duterte sa political career ng pambansang Kamao, ngunit maaring matakpan din ng positibong pananaw kapag siya nanalo siya kay Spence.

Isama mo pa ang nangyayaring sigalot sa pagitan ni Pacquaio at ang Duterte faction sa PDP-Laban, ito’y hindi biro dahil tiyak na nagko-contribute ito ng matinding stress sa bahagi ng senador mula Sarangani.

Sa ngayon, kailangan lang ni Pacman na harapin muna ang pakikipagbakbakan kay Spence para masiguro ang mithing panalo, saka na ang problema niya sa pulitika pag-uwi sa bansa mahigit isang buwan mula ngayon.
Matinding pagsubok ang nangyayari ngayon sa fighting senator, pero knowing him malalagpasan niya ito “with flying colors”.