MATINDING STRESS, PAANO LALABANAN?

MATINDING STRESS, PAANO LALABANAN?

November 17, 2022 @ 11:38 AM 2 weeks ago


SA araw-araw na pamumuhay, pinagdaraanan ng lahat ang tinatawag na stress. Kahit sa trabaho, walang sinomang manggagawa ang magsasabing hindi niya nararanasan ito. Iba-iba nga lang ang reaksiyon dahil nakadepende ito sa degree of impact ng stressful situation.

Ayon sa mga eksperto, matatawag na stress ang anomang pagbabago na nagdudulot ng masamang epekto sa physical, emotional o psychological aspect ng isang tao. Ito ang resulta ng pagtugon ng ating katawan sa mga bagay at sitwasyong nangangailangan ng ating atensiyon at aksyon.

Mas matindi ang epekto ng sobrang stress sa ating kaisipan. Kadalasang nagiging magagalitin, palaaway o manhid ang nakararanas nito.

Ayon pa sa mga eksperto, kapag constant na stressful ang isang tao, maaaring dumami ang cortisol o stress hormone sa katawan na dahilan ng pagkabalisa at depresyon, pananakit ng ulo, sakit sa puso, pagkalimot at kawalan ng konsentrasyon, indigestion, hindi normal na tulog, dagdag-timbang, diarrhea, sexual problems at iba pang sakit.

Maaari ring tumaas ang konsumo sa pag-inom ng alak,paninigarilyo at magumon sa mga ipinagbabawal na gamot ang taong sobra sa stress.

Kaya pag-isipan natin ang mga bagay na ito (huwag sana kayong mai-stress sa sasabihin ko, he-he-he). Huwag nating hayaang talunin tayo ng sobrang stress sa trabaho, isyu sa pamilya at komunidad. Kayang-kaya naman natin itong labanan.

Sundin ang mga payo ng World Health Organization. Matulog ng sapat sa walong oras. Sikaping tahimik, relaxing at may komportableng temperatura ang ating tulugan. Tanggalin ang mga electronic devices sa kuwarto. Iwasang kumain ng marami, uminom ng kape o alak bago matulog. Maglaan ng oras para sa regular na pag-e-ehersisyo at maging aktibo.

Magkaroon ng quality time sa pamilya at gawing produktibo ang pakikipag-usap sa mga kamag-anak at kaibigan. Kumain ng masusustansiyang pagkain at limitahan ang oras sa TV at social media.

At higit sa lahat, patuloy nating kausapin ang Diyos – ang relasyong ito ang pinakamabisang panlaban sa lahat ng uri at sobrang stress.