MATINONG BIKOLANONG LIDER

MATINONG BIKOLANONG LIDER

September 2, 2022 @ 4:20 PM 4 weeks ago


KAHANGA-HANGA ang track record ni Albay Governor Noel Rosal kung saan ilang beses nang tumakbo bilang Alkalde ng Legaspi City at ngayon nama’y pinakamataas na opisyal ng Kapitolyo ngunit hindi natatalo sa kabila ng malalakas ang naging kalaban nito sa bawat eleksyon.

Kung tatanungin ang Albayanos,hindi swerte ang dahilan ng pagka-panalo ni Rosal tuwing kumakandidato ito kundi ang pagiging karismatiko at magaling na politiko ang itinuturong sangkalan ng kanyang tagumpay sa lahat ng laban.

Ayon pa sa mga taga Albay, likas na sa butihing gobernador ang pagiging isang tunay na public servant mula nang maluklok ito sa iba’tibang puwesto sa lalawigan at kabisera nitong inuuna ang kapakanan ng kanyang nasasakupan kaysa sa sarili.

Kaya naman ilang araw matapos manumpa bilang gobernador, kaagad siyang nagpalabas ng kautusang nagbabawal sa lahat ng illegal quarry ng black sand sa probinsya kung saan matagal na panahon ding namayagpag ang pagpupuslit nito sa iba’t ibang lugar sa bansa samantala hindi naman pinagkakakitaan ng Kapitolyo bunsod sa ginawang gatasan ng ilang ganid sa kwartang opisyal noon, ang mga operator nito.

Matapos inilunsad ang malawakang panghuhuli sa mga drayber ng trak na walang kaukulang permisong maglabas ng buhangin at graba sa lalawigan at maabisuhan ang LGUs sa ipinapatong nitong hindi otorisadong karagdagang buwis, bumaba ang presyo ng black sand sa P400 kada metro kubiko na ikinatuwa naman ng Albayanos na matagal ding nagpenitensya sa napakataas na halaga nito.

Maging ang kahalagahan ng serbisyong medikal ay naging prayoridad ni Rosal kung saan hinikayat niya ang Sanggunian Panlalawigan na aprubahan ang P67 milyon karagdagang pondo para sa operasyon ng mga ospital dito kasabay sa ‘hiring’ ng panibagong mga doktor at nars upang mas lalo pang mapalakas ang pagkalinga sa mahihirap na pasyenteng umaasa ng pagpapagamot sa Kapitolyo.

Kinumbinsi rin ng gobernador ang mga bokal na maglaan ng P25 milyon para sa pensyon ng 16,666 na senior citizens na Albayanos upang kahit paano ay may karagdagang kwartang pambili ng pagkain at gamot nila.