MATUTO SA ARAL SA PANDEMYA-GO

MATUTO SA ARAL SA PANDEMYA-GO

March 25, 2022 @ 10:24 AM 3 months ago


BINIGYANG-diin ni Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher ‘Bong’ Go na marapat lang na matuto na tayo sa mga aral na hatid ng ating paglaban sa pandemya na talaga namang sumubok sa ating katatagan at pagkakaisa bilang mga Pilipino.

Isa nga sa mga aral na nasaksihan natin nitong pandemya ang tunay na kahalagahan ng sektor ng kalusugan sa bansa partikular na ang sapat na bilang mga manggagawa at pasilidad sa mga pagamutang tinatakbuhan ng ating mga kababayan.

Sa pagdalaw ni Senator Go sa East Avenue Medical Center kamakailan, ipinahayag nitong patuloy ang kanyang suporta sa sektor ng kalusugan ng Pilipinas kung saan rin siya naging saksi sa pormal na pagbabahagi ng P235 milyong pondo mula sa Office of the President para sa pagpapabuti ng  Medical Oxygen Generating System ng ospital.

Ang nasabing pondo ay para rin mas ibang inisyatibo at programang ipatutupad ng EAMC para sa patuloy na pagsisilbi sa ating mga kababayang nangangailangan.

Kasabay nito ang P100M pondo rin ang ipinamahagi bawat isa sa National Children’s Hospital (NCH), National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Philippine Orthopedic Center (POC) at National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City.

Tunay na ang mga nabigyang prayoridad sa administrasyong Duterte ay ang sektor ng kalusugan kabilang na ang pagtatayo at pagpapalawig ng serbisyo ng mga pagamutan sa maraming probinsya sa bansa.

Mabuti nga’t bago pa ang pandemya ay naipatupad na ang pagtatayo ng Malasakit Center sa mga pangunahing pagamutan sa Pilipinas na siyang umaagapay sa pagbabayad ng hospital bills ng mahihirap nating kababayan.

Nawa’y maipagpatuloy pa ang implementasyon ng programang ito sa mga susunod na administrasyon dahil malaking bagay ang dalang suporta nito sa mga walang-wala na nangangailangan ng atensyong medikal sa pagamutan.

Mabuti na lamang at buo ang loob at puno ng malasakit ang administrasyong Duterte sa paglaban sa pandemya kaya narito tayo ngayon at unti-unti nang nakikita ang liwanag matapos ang unos na ating pinagdaanan.