Mawawalang 50K trabaho sa EU ng Pinoy seaman, pinaimbestigahan sa Senado

Mawawalang 50K trabaho sa EU ng Pinoy seaman, pinaimbestigahan sa Senado

November 4, 2022 @ 5:26 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang maghain si Senador Risa Hontiveros ng isang resolusyon upang paimbestigahan ang status at kagalingan ng aabot sa 50,000 Pinoy seaman na mawawalan ng trabaho sa barkong nakabase sa European Union sanhi ng kawalan ng sapat na kasanayan at akreditasyon.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na matagal nang isyu ang reformation sa pagsasanay at kaunlaran ng seaman na walang kaukulang aksiyon na isinasagawa ng pamahalaan.

“Paulit-ulit na problema ito na kailangan ng agarang pagtugon, walang aksiyon na ginagawa hanggang ngayon,” ani Hontiveros.

Kasabay nito, pinuri din ni Hontiveros ang inisyal na ginawa ng Palasyo kaya’t inaasahan nitong magkakaroon ng madaliang solusyon sa bagong binuong task force.

“maghahain din ako ng isang resolusyon para imbestigahan ng Senado patungo sa mas mahusay na proteksiyon ng ating seaman at maiwasan ang katulad ng pangyayari sa hinaharap,” aniya.

Inatasan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ang isang kolektibong pagkilos sa kinakuukulang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak na makakamit ng bansa ang training program at accreditation system ng ating seafarers sa pamantayan ng EU.

Nakatakdang mawalan ng trabaho ang mahigit 50,000 marinong Filipino matapos mabigo ang Pilipinas na makapasa sa ebalwasyon ng European Martine Safety Agency sa nakalipas na 16 taon.

Pero, sinabi ni Hontiveros na matagal nang dapat nagawa ito.

“Hindi dapat isinasakripisyo an gating kababayan dahil sa kapabayaan ng Marina (Maritime Industry Authority), aniya.

Iginiit pa ni Hontiveros ang kahalagahan ng konsultasyon sa sektor upang makalikha ng reporma dahil sila mismo ang maapektuhan.

Tiniyak kamakailan ng Department of Transportation na ginagawa ng pamahalaan ang laaht upang makamit ang pamantayan ng EU para sa ating marino. Ernie Reyes