Maximum age limit sa PUVs pinalawig ng 2 pang taon

Maximum age limit sa PUVs pinalawig ng 2 pang taon

September 25, 2022 @ 1:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng dalawa pang taon ang mga public utility vehicles na naabot na ang age limit.

Ang hakbang ay upang matulungan ang mga PUV operators na makarekober sa pagkalugi dulot ng nagdaan na COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng Board Resolution No. 164, ang mga bus na ginagamit bilang tourist, shuttle o school service na may year model 2005 ay pwede pang gamitin hanggang katapusan ng taon ito samantala ang year model 2006 naman ay hanggang 2023.

Ang mga bus na ang model ay taong 2007 at 2008 pa ay maaari pa ring gamitin hanggang 2024.

Dagdag pa rito, ang UV Express units na may year model 2007 ay pwede pang gamitin hanggang ngayong taon, ang 2008 model hanggang 2023 at 2009 model hanggang 2024.

Makikita sa board resolution ng LTFRB ang kumpletong listahan ng mga sasakyan at year model nito.

“A Roadworthiness Inspection Report issued by the Land Transportation Office or DOTr-accredited PMVC (Private Motor Vehicle Inspection Centers) should be submitted as a requirement prior to confirmation of unit,” sinabi sa resolusyon. RNT/JGC