Maximum tolerance ipinag-utos ni Abalos sa mga awtoridad sa nakaambang transport hike

Maximum tolerance ipinag-utos ni Abalos sa mga awtoridad sa nakaambang transport hike

February 28, 2023 @ 3:36 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabihan ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. nitong Martes ang mga awtoridad na obserbahan ang maximum tolerance para sa mga magpoprotesta, matapos ianunsyo ng transport group na magkakasa ito ng isang linggong strike simula March 6.

“There should be maximum tolerance kung merong mga ganitong pangyayaring protesta, ‘wag naman sana magkagulo, ‘wag naman sana dalhin pa sa gitna ng kalye, maging tahimik na lang ito,” ani Abalos.

Tiniyak naman ni Abalos sa publiko na mag-aalok ang Metropolitan Manila Development Authority, maging ang iba pang ahensya ng pamahalaan at local government units ng libreng sakay sa commuters na maaapektuhan ng strike.

Hinikayat din niya ang stakeholders na makipagdayalogo sa pamahalaan para ilatag ang kanilang mga hinaing.

Inanunsyo ng transportation group Manibela nitong Lunes ang plano nito na magsagawa ng week-long strike simula March 6 bilang pagpoprotesta sa Circular Memorandum No. 2023-013 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na nagtatakda ng deadline para sa phaseout ng traditional jeepneys sa June 30.

Nauna nang itinakda na mapaso ang prangkisa para sa traditional jeepneys sa katapusan ng Marso sa buong bansa, maliban sa Metro Manila na hanggang pagtatapos ng Abril alinsunod sa Public Utility Vehicle Modernization Program.

Subalit pinalawig ng LTFRB noong Feb. 23, sa pamamagitan ng memorandum, ang deadline ng tatlong buwan para sa buong bansa, habang dalawang buwan naman sa Metro Manila. RNT/SA