MAY 13TH MONTH PAY PA BANG AASAHAN ANG MGA OBRERO?

MAY 13TH MONTH PAY PA BANG AASAHAN ANG MGA OBRERO?

November 21, 2020 @ 12:20 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

KAUNTING araw na lang mula ngayon at tila aligaga ang mga manggagawa at empleyado ng iba’t ibang kompanya sa iba’t ibang panig ng ating bansa kung buo o hindi makapagbibigay ng 13th month pay ang kanilang kompanya dahil sa pagkalugi sanhi ng coronavirus pandemic.

Mantakin ninyo, halos pitong buwang sikad na nakalock-down ang iba’t ibang kompanya bilang pagsunod sa health protocol na pinaiiral ng gobyerno.

May pagbabawal sa lahat ng mga kompanya o establishment na pumasok ang mga empleyado.

Pitong buwang sikad na walang kayod dahil sa pandemya at pinangangambahan na hindi makapagbabayad sa upa ng bahay, kuryente, tubig at iba pa ng mga kaawa-awang obrero na umaasa lamang sa kanilang kakarampot na suweldo.

Ang tanging pantawid sa mga utang para mabayaran ay ang 13th month pay pero mukhang mapupurnada pa yata dahil may mga ugong-ugong na baka mabawasan pa ito.

Umaasa ang mga empleyado at manggagawa sa pagtitiyak ng Deparment of Labor and Employment (DOLE) na maibibigay sa kanila ang kanilang 13th month pay sa taong ito.

Ang masakit lang po, mga kababayan ko, ayon sa naging pahayag ni Labor Sec. Silvestre III, maaring ma-delay ang pagbibigay ng 13th month pay dahil marami raw kompanya ang naapektuhan ng pandemic.

Wow naman, bakit naman ganoooooonnn?

E alam naman ninyo, ‘yan lang ang tanging inaasahan ng mga manggagawa at empleyado sa tuwing sasapit ang Disyembre.

Mauunsiyami pa at hindi malaman kung hanggang kailan tatagal ang pagkaka-delay nito.

Alalahanin natin, ang 13th month pay ay isang anyo ng benepisyong salapi na katumbas ng buwanang batayang sahod (basic pay) na natatanggap ng isang empleyado.

Kinokompyut ito ayon sa bilang ng buwan na pinagsilbihan ng isang empleyado sa kani-kanilang amo sa loob ng 1 year.

Ang tanong ng mga kababayan natin, paano na ‘yung kanilang 13th month sa panahon ng pandemic?

Ibibigay ba ng mga kompanyang pinapasukan ang kabuuang halaga nito na kanilang pinagtrabahuhan sa panahon ng pandemya?

Ayon kay Sec. Bello, dapat daw ay pag-usapan muna ng kompanya at mga empleyado nito kung kailan maibibigay ang 13th month pay.

Paano kung walang maibigay ang kompanya?

Aba’y dapat palaging alalahanin ng mga may-ari ng kompanya na kung sila ay tuliro, mas tuliro ang kanilang mga manggagawa dahil sa 13th month pay na lamang ang kanilang inaasahan sa mga pambayad sa mga utang sanhi ng napakahabang lockdown.

Anomang puna o reklamo, i-text sa 09189274764,09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com o juandesabog48@gmail.com


  •  
  •  
  •  

Loading...