MAY ANOMALYA NGA BA TALAGA SA LOOB NG CALOOCAN CITY JAIL?

MAY ANOMALYA NGA BA TALAGA SA LOOB NG CALOOCAN CITY JAIL?

January 25, 2022 @ 10:04 AM 8 months ago


HINDI na nakapagtataka ang pagsibak ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology kamakailan kay Caloocan City Jail Warden J/Supt. Neil Subibi dahil sa nangyaring jail riot noong Enero 10, 2022.

Madugo talaga ang nangyaring kaguluhan dahil anim na persons deprived of liberty o inmates ang nasawi at 33 pa ang sugatan, kabilang ang ilang jail officers, na nagtamo ng tama ng bala sa bahagi ng katawan.

Sa ilalim ng prinsipyo ng command responsibility, wala talagang dapat ibang sisihin kundi ang warden ng Caloocan City Jail dahil kung noon pa man ay mayroon na siyang mga ipinatutupad na wastong panuntunan upang maiwasan ang kaguluhan, hindi sana magbubuwis ng buhay ang anim na PDL.

Kahit sabihin pa kasing sila’y mga pinaghihinalaang gumawa ng paglabag sa batas, may karapatan din ang mga ito na ipagtanggol ang kanilang sarili sa anomang bintang sa tamang hukuman at dapat na parehas ang maging turing, anoman ang kanilang katayuan sa buhay.

Kung totoo kasi na ang pinagmulan ng riot ay ang hindi pagkakaunawaan ng dati nang magkalabang grupo ng Commando at Sputnik Gang sa pagsusugal nila ng coin game na cara y cruz, aba’y talagang may kasalanan ang pamunuan dahil bawal na bawal ang iligal na sugal, hindi lamang sa loob ng anomang pasilidad tulad ng CCJ, kundi maging sa labas. Halos araw-araw nga ay may nahuhuli ang kapulisan na nagsusugal ng cara y cruz sa mga lansangan sa Metro Manila kaya dapat, hindi ito pinahihintulutan sa loob ng mga detention center, tulad ng CCJ.

Pero ano itong impormasyon mula sa ating bulong-brigade na hindi lamang daw cara-y cruz kundi maging pusoy at tong-its ay talamak din daw sa loob ng CCJ na kunwari ay libangan? Aba, kung totoo ito, dapat ay noon pa pala nasibak ang warden para hindi na nangyari ang madugong riot.

Eto pa ang isa nating tanong, totoo ba na ang lahat daw ng nagnanais magpadala ng pagkain sa kanilang mga kaanak na nasa loob ng CCJ ay hinihingan ng tara ng ilang tiwaling jail officer at may basbas na raw ito ng kanilang pamunuan?

Nagtatanong lang naman para na rin sa kapakanan ng bagong talagang warden na si J/Supt. Lloyd Gonzaga.

Kung ako lang kasi ang tatanungin, baka hindi rin ako maniwala sa bulong ng ating impormante dahil noong ika-apat na bahagi ng taong 2021, ang Caloocan City Jail ay nabigyan pa nga ng BJMP-NCR Gawad Penolohiya ng award bilang Top 8 Best City Jail sa male dormitory category.

Ibig sabihin, maayos ang pamamalakad ni Supt. Subibi dahil hindi naman nila ito makakamit kung tadtad ng anomalya ang naturang pasilidad hindi po ba? Kaya lang, me kasabihan na kapag daw may usok, may sunog kaya dapat siguro, maging maingat na si J/Supt. Gonzaga at maging bukas siya sa mga miyembro ng media na nais humiling ng panayam, hindi tulad ng dating warden na tinaguriang “Boy Tago.”

Maaaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na jrr[email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.