MAY ANOMALYA SA PEAC?

MAY ANOMALYA SA PEAC?

August 23, 2022 @ 11:17 AM 1 month ago


MAY isang eskwelahan sa Cebu na humingi ng tulong sa aming tanggapan dahil sa katagalan ng desisyon sa claim nito sa Private Education Assistance Committee na noon pang 2017 naihain. Ang PEAC ay partner institution ng ating Department of Education na nangangasiwa ng Fund for Assistance to Private Education kasama na dito ang nakalaan sa Senior High School Program.

Ayon sa reklamong aming natanggap, ang PEAC ay implementor lang ng DepEd sa pangangasiwa ng pondo para sa edukasyon pero bakit lumalabas na mas makapangyarihan pa ito sa DepEd.

Sinabi ng may-ari ng eskwelahang lumapit sa aming tanggapan, bagama’t pasado sa DepEd ang kanilang paaralan tila pinangunahan ng PEAC sa pag-disqualify rito at tahasang isinantabi ang desisyon ng regional director ng DepEd.

Teka lang, akala ko ay agent lang ng DepEd ang PEAC? Bakit parang lumalabas na kayang-kayang brasuhin ng PEAC ang DepEd?

Ang naiipit dito tuloy, mga kaibigan, ay ang mga estudyante na dapat ay makatanggap ng subsidy mula sa PEAC. Time lost is time wasted. Nabawasan na ang kanilang pag-aaral dahil sa pandemya. Hindi pa sila makatanggap ng subsidy para talaga sa kanila.

Kawawa rin ang nasabing eskwelahan na nasa isang rural area pa naman sa Cebu. Abonado sa mga estudyante dahil kapag nagsimula na ang klase at hindi na nito matatanggihan ang mag-aaral sapagkat hangad din nito na makapagtapos ang mag-aaral upang magkaroon ng magandang kinabukasan.

Abonado ang eskwelahan mula 2017 pa.

Hiling ng eskwelahan na maimbestigahan ng bagong administrasyon ang pagkakaroon ng malawak na kapangyarihan ng PEAC na sa paniwala nila ay umaabuso sa kapangyarihan.

Kung totoong partner ito ng mga private school dapat ay tulungan din nito ang private schools na maahon mula sa pagkakalugmok dulot ng pandemya.

Para sa mga komento o sumbong, maaaring tumawag o mag text sa 1-Ang Edukasyon Party-list Hotline: 0927.930.25.81.