May-ari ng barko sa ‘oil spill’, balak ihabla ng Pola mayor

May-ari ng barko sa ‘oil spill’, balak ihabla ng Pola mayor

March 9, 2023 @ 2:48 PM 2 weeks ago


ORIENTAL MINDORO- Nakaambang kasuhan ng lokal na pamahalaan ng Pola ang may-ari ng barko dulot ng oil spill sa karagatan ng Oriental Mindoro.

Sa pahayag ni Pola, Oriental Mindoro Mayor Jennifer Cruz, nitong Huwebes, pinag-iisipan nilang magsampa ng kaso laban sa may-ari ng barko ng lumubog na motor tanker na naging sanhi ng oil spill sa lalawigan.

Aniya, dapat magkaroon ng inter-agency effort para imbestigahan ang oil spill dahil ilang residente na rin ang nakaramdam ng sakit dulot ng oil spill.

Humingi na rin ng tulong ang alkalde sa pamunuan ng Philippine Coast Guard, Department of Environment and Natural Resources, Department of Health (DOH), at Philippine National Police at iba pang ahensya ng gobyerno para magsagawa ng mga pagsusuri at mangalap ng ebidensya tungkol sa epekto ng oil spill.

Giit pa ng alkalde, na dapat ay managot ang barko kapag nagkaroon oil spill para hindi na maulit pa ang insidente tulad ng mga dating pangyayari na walang nakasuhan.

Matatandaan na noong Pebrero 28, 2023 ay lumubog ang MT Princess Empress sa labas ng Najuan habang may dalang 800,000 litro ng pang-industriyang gasolina. Naiulat ang mga oil spill sa ilang lugar sa Mindoro, dahilan upang magdeklara ng state of calamity ang coastal town ng Pola.

Dagdag pa ng alkalde, nakapagtala na sila ng higit sa 50 residente sa nasabing bayan ang nagkasakit dulot ng oil spill.

Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire nitong Martes na ilang residente ang nag-ulat ng pananakit ng ulo at pagkahilo, habang ang isa ay na-admit sa ospital dahil sa lumalalang hika, kasunod ng oil spill.

Pinayuhan ni Vergeire ang mga taong naninirahan sa loob ng 100 metro mula sa mga apektadong lugar na huwag uminom ng tubig mula sa kanilang sariling pinagkukunan, at sa halip ay inumin ang mga ibinibigay ng lokal na pamahalaan.

Dapat din silang magsuot ng mga pang-industriya na maskara, at hindi lamang ang mga regular na maskara sa mukha, habang ang mga matatanda at may mga kondisyon sa baga ay dapat ilipat.

Sa pagtantiya ng isang eksperto aabutin ng anim na buwan hanggang isang taon para matapos ang paglilinis para sa oil spill sa Oriental Mindoro.

Samantala, ipinag-utos na rin ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ang cleanup drive, cash-for-work program para sa mga apektadong mangingisda ng oil spill.

Siniguro ng pangulo na mabibigyan ng tulong ang mga apektadong residente sa pamamagitan ng cash-for-work program. Mary Anne Sapico