May-ari ng sasakyang ginamit sa Aparri VM ambush natukoy ng PNP

May-ari ng sasakyang ginamit sa Aparri VM ambush natukoy ng PNP

February 21, 2023 @ 5:50 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Kinilala ng mga pulis ang rehistradong may-ari ng sasakyang ginamit sa pag-ambush kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at lima pa sa Bagabag, Nueva Vizcaya, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Martes.

“We already coordinated with the [Land Transportation Office]. We already have the name of the registered owner,” pahayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo

Nakikipag-ugnayan na ang Special Investigation Task Group (SITG) sa lokal na kapulisan para matukoy ang pagkakakilanlan ng registered owner.

Subalit, binigyang-diin ni Fajardo na hindi pa sigurado ang mga awtoridad kung ang registered owner ang kasalukuyang nagmamay-ari ng sasakyan.

Natagpuang sunog ang getaway vehicle sa Solano, Nueva Vizcaya.

Nitong Linggo, napatay sina Alameda at lima pa nang tambangan ang sinasakyang van ng gunmen sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Napatay din sa ambush sina Alexander Agustin Delos Angeles, Alvin Dela Cruz Abel, Abraham Dela Cruz Ramos, John Duane Banag Almeda, at Ismael Nanay.

Sakay ang mga biktima ng Starex van patungong Manila nang pagbabarilin sila ng humigit-kumulang anim na suspek.

Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mga pamilya ng mga biktima na tututukan ng mga pulis ang kaso at magkakaroon ng hustisya.

“Nakakalungkot at nakakagalit ang insidenteng ito. Tila nagiging garapal na ang mga kriminal na ito at wala ng pag-aatubili sa pagsasagawa ng kanilang masamang gawain.,” pahayag niya. RNT/SA