May-ari ng tanker, hinimok na magbigay ng kumpletong recovery plan

May-ari ng tanker, hinimok na magbigay ng kumpletong recovery plan

March 16, 2023 @ 4:15 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nanawagan ang alkalde ng Pola, Oriental Mindoro sa may-ari ng lumubog na MT Princess Empress, na nagdulot ng malawakang oil spill sa probinsya, na maglatag ng kumpletong plano kung paano matutulungan ang mga apektadong residente.

“Ang gusto ko po complete na program for Pola,” sinabi ni Mayor Jennifer Cruz sa panayam ng CNN Philippines.

“Hindi naman pwedeng bigas lang ‘yung ibibigay ninyo then after that wala na. Ilatag ‘yung kumpleto na progama for Pola kasi nasira ang kalikasan, nasira po yung ating hanapbuhay, maraming nagkasakit.”

Isa ang bayan ng Pola sa nagdeklara na ng state of calamity dahil sa malalang epekto ng oil spill sa lugar.

Ani Cruz, mula nang magsimula ang oil spill ay wala pa silang natatanggap na anumang tulong mula sa RDC Reield Marine Services, may-ari ng naturang tanker.

Sunod-sunod din umano ang problema na kanilang nararanasan dahil sa epekto ng oil spill.

Maliban sa cleanup efforts at pagtulong sa mga nagkakasakit, sinabi ni Cruz na isa pang pinangangambahan nila ay ang pagtaas ng presyo ng mga karne at gulay dahil wala nang ibang alternatibong makakain, gayong bawal ang pangingisda sa mga apektadong lugar.

Dapat ding pagtuunan ng pansin ang mga may-ari ng resort na napilitan nang magkansela ng mga booking.

Ayon kay Cruz, posibleng abutin pa ng hanggang apat na buwan ang paglilinis sa mga kumalat na langis at ang epekto naman ay mararamdaman pa rin hanggang sa susunod na tatlong taon. RNT/JGC