MAY BAGONG PAGKAKAABALAHAN SI CITIZEN ISKO

MAY BAGONG PAGKAKAABALAHAN SI CITIZEN ISKO

September 19, 2022 @ 5:00 PM 6 days ago


MISTULA palang nagdilang-anghel si Manila 2nd District Congressman Rolan Valeriano o CRV nang una niyang ipinahayag na hindi mawawala sa mata ng publiko si dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kahit isa na siyang citizen Isko dahil mananatili siya sa kanyang posisyon bilang lider ng Asenso Manilenyo.
Ito ay makaraang i-anunsiyo ni dating Yorme na sa susunod na dalawa hanggang tatlong buwan, ilalabas na niya ang kanyang Vlog sa social media na ang magiging tema ay walang pinagkaiba sa isang Talk Show.
Noon kasing bago bumaba sa puwesto si Kois, nagpahiwatig na rin siya na pagbibigyan niya ang mga kahilingan ng publiko na mag-vlog siya upang palagi siyang nasusubaybayan ng marami niyang taga-suporta na malaki ang panghihinayang sa hindi niya napagtagumpayan pagtakbo sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.
Tinupad din ni Yorme ang pangako niya sa kanyang pamilya na ibubuhos niya ang mahabang oras sa kanila sa oras na bumaba na siya sa puwesto lalo na’t tatlong taon din niyang napagkaitan ng wastong pagkalinga dahil kailangan niyang unahin ang kapakanan ng maraming Manilenyo na kanyang pinagsisilbihan.
Sa katunayan, bakasyong-grande pa nga ang ipinagkaloob niya sa kanyang pamilya na kanyang ipinasyal sa mga makasaysayang lugar sa Europa ng halos isang buwan upang masulit ang kanyang mga pagkukulang sa mga ito.
Akala tuloy ng marami niyang taga-suporta ay hindi na nila maririnig ang mga makatuwiran at makabuluhang mga pahayag ng “Batang Maynila” sa kanyang social media pero nang ganapin ang selebrasyon ng Mid-Autumn Festival na kilala rin bilang Mooncake Festival sa Binondo noong Setyembre 19, lumutang at nakiisa rito ang dating alkalde na labis na ikinasiya ng mga nakakita sa kanya.

Lalo pang na-excite ang publiko nang i-anunsiyo na nga ni Yorme ang napipinto niyang pagigigng vlogger dahil masusubaybayan na nilang muli ang kanilang idolo at maririnig ang kanyang mga mensahe.
Binalewala rin ni Yorme ang mga urot ng mga Maritess na nanghihimasok siya sa pamumuno ni Mayor Honey Lacuna-Pangan dahil bukod sa wala itong katotohanan, abala rin siya sa pagtulong sa kanyang mga kasamahan sa Asenso Manilenyo kung saan dumadalo siya sa ilang mga pagpupulong na kanilang ginagawa para sa mga hakbanging makakatulong sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga Manilenyo.
Sa halip pa ngang mapikon, sinabi ng alkalde na dadaanin na lang niya ang mga pasaring sa kanya sa pakuya-kuyakoy with matching higop na kape sa “gedli” kasama ang mga tapat na kaibigan at ka-alyado sa pulitika.