MAY BAGONG PCEO ANG SSS

MAY BAGONG PCEO ANG SSS

January 14, 2023 @ 2:12 AM 3 weeks ago


NITONG nagdaang Martes, January 10, 2023 ay nagsimula nang manungkulan si bagong Social Security System (SSS) president and chief executive officer Rolando Macasaet matapos ang simpleng turn-over ceremonies mula sa dating PCEO na si Michael Regino. 

Pinuri at pinasalamatan ni PCEO Macasaet si Regino sa mga programa at repormang pinasimulan nito sa state pension agency partikular ang digitalization ng mga sistema at proseso rito.

Ipagpapatuloy niya aniya ang mga napasimulan ni Regino na nakatuon sa higit na pagpapabuti ng serbisyo para sa mga manggagawa, benepisyaryo at kawani ng ahensya.

Pinasalamatan din ni Macasaet si President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. sa pagtitiwala nito sa kanyang kakayahan na pangasiwaan ang SSS. Ang direktiba nito sa kanya, maseguro ang proteksyon ng mga miyembro lalung-lalo na sa panahon ng pangangailangan ng mga ito katulad kapag may tumatamang kalamidad o trahedya. Kakayanin naman diumano ito dahil isang matatag na SSS ang iniiwan sa kanya ni Regino na nagsilbi sa huling taon ng Duterte administration.

Si PCEO Macasaet ay nagsilbi rin sa dating administrasyon bilang president and general manager ng Government Service Insurance System (GSIS).

Personal na magkakilala sina Macasaet at Regino na kapwa mula sa Zamboanga City. Magkaklase sila sa Ateneo de Zamboanga University at nagtapos ng secondary education noong 1977.

Si Macasaet ay may malawak na karanasan sa public service na naglingkod na sa iba’t ibang government owned and controlled corporations (GOCCs) kabilang ang Philippine National Construction Corporation, Dasmariñas Industrial Steel Corporation, Skyway Corporation, at Tierra Factors Corporation. 

Malawak din ang kanyang karanasan pagdating sa pananalapi bilang nakapagtrabaho sa Philippine National Bank, San Miguel Corporation, Bank of Commerce, Private Infrastructure and Development Corporation, at dating Philippine Commercial International Bank.

Nagtrabaho din siya bilang director of Asian Infrastructure Investment Bank na nakabase sa Beiing, China, at PNB bilang vice president sa Los Angeles at ASEAN-based sa Singapore.

Nagtapos ito bilang cum laude sa University of the Philippines sa kursong Bachelor of Science in Business Economics at Master of Business Administration. Mayroon din siyang executive program in finance mula sa Columbia University at diploma in management mula sa Harvard Business School, kapwa sa United States.

 Sa credentials na mayroon si PCEO Macasaet ay nakakatiyak ang mga empleyado at  miyembro ng SSS na nasa mabuting kamay at pangangalaga ang ahensya at lalo pa itong tatatag at makapagbibigay ng dekalidad na serbisyo para sa bawat miyembro.

Hangad natin ang tagumpay sa pamumuno ni PCEO Macasaet. Nagpapasalamat din ang inyong Agarang Serbisyo Lady kay Sir Regino na naglingkod ng buong kahusayan at katapatan sa SSS. Tiyak na hindi pa ito ang huling tanggapan na kayang paglilingkuran. Hindi dapat masayang ang talento at abilidad na mayroon ito. #