MAY BAHID POLITIKA ANG ULAT NG PNP?

MAY BAHID POLITIKA ANG ULAT NG PNP?

February 6, 2023 @ 1:09 PM 1 month ago


UMAPELA na kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. si Negros Oriental 3rd District Congressman Arnulfo “Arnie” Teves, Jr. kasabay nang pagsasapubliko ng kanyang liham na humihiling na suriing mabuti ang inilabas na ulat ng Philippine National Police kaugnay sa mga sinasabing mga dokumentong huwad ng kanyang mga pinalisensiyahang armas.

Hiniling ni Teves kay PBBM na ipag-utos na masuring mabuti ang kanyang mga isinumiteng dokumento matapos mapabalita na binawi ng PNP Firearms and Explosives Ordnance ang lisensiya ng kanyang mga baril na naging daan upang isuko niyang lahat ang kanyang mga armas na pinalisensiyahan.

Naniniwala ang mambabatas na may bahid politika ang inilabas na ulat ng PNP kaya’t nanawagan si Teves sa Pangulo na bigyang pansin ang kanyang hinaing sa paniwalang nagagamit ng ilang mga kalaban niya sa politika ang PNP para sirain ang kanyang reputasyon.

Ayon kay Teves, kung talagang huwad ang mga isinumite niyang mga dokumento para magkaroon ng lisensiya ang kanyang mga baril, bakit siya nabigyan noon pa ng lisensiya at bakit sa mga nagdaang taon ay ngayon lamang nakita na may mali sa kanyang mga papeles?

Nabatid na base pos a ulat ng PNP Police Clearance, hindi lang mga dokumento ng kanyang baril ang nagkaroon ng pagdududa ang PNP subalit maging sa kanyang anak.

Nilinaw ni Teves na ang papeles ng baril ng kanyang anak ang naging kaduda-duda subalit kung totoo man, malinaw na hindi huwad ang mga isinumiteng dokumento subalit posibleng may kulang lang at ngayon lang napansin.

Naniniwala si Teves na may bahid politika ang balitang huwad ang kanyang mga dokumento kaya siya binawian ng lisensiya gayung inamin ng hepe ng Firearms and Explosives Office chief na si PBGen. Paul Kenneth Lucas na maraming may-ari ng mga lisensiyadong baril ang binawian ng lisensiya.

Oo nga naman, bakit pangalan lang niya ang lumutang? Nakakaduda lang naman. He! He! He!

Hindi naman humihingi si Teves si ng pabor bilang halal na opisyal ng pamahalaan subalit nais lang niyang mabigyang katarungan ang kanyang karapatan tulad ng ordinaryong mamamayan sa ilalim ng saligangbatas.

Naunang nasangkot ang anak ni Teves sa insidente nang pananakit sa isang guwardiya sa BF Homes sa Parañaque noong Marso nang nakalipas na taon kung saan nag-viral sa social media ang pangyayari nang makuhanan ng video ng netizen.