May boga? Pari, timbog sa pagpapaputok ng baril

May boga? Pari, timbog sa pagpapaputok ng baril

July 30, 2018 @ 6:45 PM 5 years ago


Dumarao, Capiz – Dinakip ng pulisya ang isang Catholic priest sa Dumarao, Capiz dahil umano sa pagpapaputok ng baril na kanyang pag-aari kamakalawa.

Kasalukuyang ikinostudiya ng Dumarao police si Fr. Frederico Lim, residente ng Barangay Bailan, Pontevedra at kura paroko ng Our Lady of Snows.

Ayon kay Police Chief Insp. Juvy Bermejo, Chief of Police ng Dumarao, nag-ugat ang insidente ng pagpapaputok ng pari sa mga naka-park na motorsiklo sa tapat ng naturang simbahan.

Lumalabas sa report na ikinagalit umano ni Fr. Lim ang nakaparadang mga motorsiklo sa compound ng simbahan dahil hindi makadaan ang mga bisita nito.

Lumabas umano ang pari sa compound at isa isa umanong ipinatumba ang mga nakaparadang motorsiklo bago nagpaputok ng baril na .45 caliber revolver.

Aminado naman ang pari sa nagawang pagpapaputok ng baril at sinabing nakainom siya nang mangyari ang insidente.

Patong patong na kaso ang nakatakdang isampa laban sa pari habang inaalam pa ng pulisya kung lisensyado ang baril nito. (Jeff Gallos)