May comorbidities, isama sa 2nd booster shot – vax expert

May comorbidities, isama sa 2nd booster shot – vax expert

June 16, 2022 @ 11:37 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinasasama ng Vaccine Expert Panel (VEP) na mabibigyan ng 2nd booster ang mga person with comorbidities.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni VEP chairperson Nina Gloriani na ang taong mayroong dalawa o higit pang sakit ay “similarly vulnerable” sa malalang sakit na coronavirus disease 2019 (Covid-19).

“We agree, we actually recommend na ‘yong mga may comorbidities (masama) kasi hindi rin natin malaman ano ang level ng immunocompromised na tinatawag sa comorbidity,” anito.

Tinukoy ni Gloriani ang kamakailan lamang na pag-aaral na nagpapakita na ang mga taong mayroong dalawa o higit pang sakit gaya ng diabetes at chronic respiratory illness, ang level ng immunocompromise ay mataas.

“Mas mataas ang immunocompromise ng taong ‘yon so kailangan nating ma-consider ‘yon sa pagbibigay ng second booster as well. Hindi necessarily sinabi nating parang wala siyang immunocompromise, kailangan malaman natin ‘yong medical status plus how many ba ‘yan,” anito pa rin.

Sa kasalukuyan, ang immunocompromised persons na eligible para sa second booster ay kinabibilangan ng mga taong mayroong cancer, HIV/AIDS, primary immunodeficiency, umiinom ng immunosuppressants, at mga nakatanggap ng organ transplant.

Samantala, batay sa pinakabagong data mula sa Department of Health, makikita rito na pumalo na sa mahigit sa 580,000 ang eligible population, kabilang ang healthcare workers at senior citizens na nakatanggap ng karagdagang boosters. Kris Jose