MAY ‘KUMUKUMPAS’  LABAN KAY REP. TEVES

MAY ‘KUMUKUMPAS’  LABAN KAY REP. TEVES

March 20, 2023 @ 12:08 AM 4 days ago


MISTULANG may “kumpas” nang pagdidiin laban kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr. matapos ang pangyayari sa nasabing lalawigan.

Ilang linggo lamang kasi ang nakalipas mula nang mapaslang si Negros Oriental governor Roel Degamo,  tila madaliang nakahanap ng masisisi ang mga awtoridad sa insidente.

Sunod-sunod ang mga pagdikdik sa mambabatas gayong malabnaw ang pagkakatimpla ng mga eksena.

Oo, magkatunggali ang dalawa sa politika at heto marahil ang isang dahilan kung bakit “easy target” si Teves sa insidente. Pero kung susuriin ang mga pangyayari, mukhang hilaw ang pagtunton kay Teves bilang mastermind sa nangyari.

Una, walang makitang motibo sa pagpaslang. Kung usaping politika ang susuriin, hindi naman naupo bilang gobernador si Pryde Henry Teves, kapatid ng kongresista, sa pagkamatay ni Degamo. Ito kasi ang nasa isipan ng karamihan lalo’t naging gobernador si Pryde Henry sa rehiyon.

Pero nu’ng idineklara ng Comelec na si Degamo ang nanalo bilang governor ng Negros Oriental noong 2022, wala nang pinanghahawakang posisyon si Pryde Henry. Ang vice governor ang pumalit kay Degamo dahil sa mga pangyayari.

Pangalawa, pilit ang pagdikdik kay Rep. Teves dahil ilang araw mula nang mangyari ang insidente kay Degamo, bigla na lang ni-raid ang compound ng kongresista. Ito raw ay dahil sa mga diumano’y iligal na armas at mga bala.

Sa isang CCTV footage na ipinamahagi ni Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Teves, kahina-hinala ang naging aksyon ng mga nang-raid sa bahay ng mambabatas sa Bayawan Negros Oriental.

Bakit naman? Kasi pinalabas ang lahat ng tao, kasama na ang mga abogado at iba pang witness—na labag sa pag-conduct ng ganitong searches. Makikita pa sa footage na may malalaking bag na sukbit ang mga nang-raid.

Ano ang laman ng mga bag?

Matapos ang isang oras, may nakita diumanong  iligal na mga armas.

Hinuli ng mga awtoridad ang secretary ni Teves pero daglian ding pinalaya dahil sa kawalan ng ebidensya—ayon mismo sa statement ng Philippine National Police at Department of Justice.

Pangatlo, bigla na lang nagsulputan ang mga kaso laban kay Teves matapos ang insidente. Sinampahan agad siya ng kaso ukol sa mga insidente noon pang 2019. Kahina-hinala ang pagsulpot ng mga kaso, lalo’t isinampa ito matapos ang pangyayari kay Degamo.

Malagim ang sinapit ni Degamo nitong Marso at dapat lang mabigyan ng hustisya.

Pero hanggang hindi natutunton ang totoong salarin, walang tayong makakamit na tunay na hustisya.