MAY LEFT TURN PERO WALANG DAANAN

MAY LEFT TURN PERO WALANG DAANAN

December 10, 2022 @ 11:09 AM 2 months ago


ANG mga kalye sa Maynila karamihan ngayon ay pawang masikip dahil sa mabagal na daloy ng trapiko.

Ang mga sasakyan ay nagsisiksikan dahil marami sa ngayon ang nagtutungo sa malls, shopping place at mga pamilihan para sa kanilang Christmas shopping.

Sa nakalipas na dalawang taon, nasanay ang mga tao sa shopping online at delivery na lang dahil sa kagustuhang huwag tamaan nang nakamamatay na COVID-19 na tumama sa lahat ng panig ng mundo.

Sa ngayon, may mga kalye sa  Maynila na one way dahil sa ilang pagbabago sa patakaran ng lungsod kaugnay sa trapiko.

Sa kahabaan ng Abad Santos Avenue,  hindi ka pwedeng mag-U-turn at may mga kalye na hindi mo pwedeng kaliwaan.

Kapag bumabaybay ka sa Abad Santos patungo sa Hermosa o Monumento, hindi ka pwedeng kumaliwa sa Bambang dahil tiyak na mahuhuli ka. Lalong di ka rin pwedeng mag-U turn kaya didiretso ka pa dahil sa Quiricada lang pwedeng kumaliwa.

Madidismaya ka naman kapag kumaliwa ka sa patungong Quiricada dahil hindi mo mapapasok ang kalye sapagkat may nakatayong basketball court at basketball ring at kapag gabi may mga naglalaro.

Kaya paano naman makapapasok ang sasakyan paikot patungo sa Bambang?

Teka, sino ba ang pasimuno sa pagtatayo ng basketball court na ito sa kalye ng Quiricada?

Tawagan kaya natin ang atensyon ng chairman ng barangay na nakasasakop sa lugar.

Chairman, sana lang wag kang natutulog sa pansitan aba’y perwisyo sa mga motorista ang basketball court na iyan.

O baka naman ipinagmamalaki ng chairman ang koneksyon niya kay Mayor Honey Lacuna- Pangan. Aba, nakakahiya naman kay Mayora kapag ganyan ang ugali ng chairman ng lugar na iyan.

Si Mayor Honey ang gusto ay maayos at payapa ang pamayanan tapos si Chairman pasimuno ng pagpapagulo sa lugar.

Aba, dapat maimbestigahan yan.

Baka naman may kinalaman din dyan ang Manila Traffic and Parking Bureau at Manila Police District Traffic Enforcement Unit?