May local transmission na ng XBB, XBC variant ng COVID sa bansa – DOH

May local transmission na ng XBB, XBC variant ng COVID sa bansa – DOH

October 22, 2022 @ 12:07 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – May nagaganap nang lokal na transmisyon ng Omicron XBB subvariant at XBC variant ng COVID-19 sa bansa.

Ito ang kinumpirma ngayong araw, Oktubre 22 ng Department of Health (DOH) makaraang may maitalang mga kaso ng naturang subvariant.

“Definitely, there is local transmission dahil lahat ito ay local cases,” pahayag ni Dr. Alethea De Guzman, direktor ng DOH epidemiology bureau.

Dagdag pa niya na walang kaugnayan ang XBB at XBC ng bansa sa pagbiyahe na nangangahulugan na hindi maiuugnay ang mga kaso nito sa biyahe sa labas ng bansa o may exposure ito sa sinuman na nakabiyahe sa labas ng Pilipinas.

Giit ni De Guzman, ang impeksyon ay dito na nakuha ng mga pasyente o mga naitalang mga kaso.

Paglilinaw pa niya, ang hawaan ay “localized” pa rin sa ngayon dahil ang mga variants ay natukoy lamang sa mga piling rehiyon.

Tukoy na ang XBB subvariant sa 24 bansa at apat na kontinente.

Sa paunang pagsusuri, kinakitaan ito ng mas mataas na “immune evasion” kaysa sa BA.5 variant, pero hindi pa naman nakikita kung nagdudulot ito ng mas malubhang mga karamdaman. Jocelyn Tabangcura- Domenden