MAY LONG COVID, MAY SIRA SA BAGA

MAY LONG COVID, MAY SIRA SA BAGA

January 31, 2022 @ 12:05 PM 8 months ago


KUNG dineklara ka ng doktor na asymptomatic sa COVID-19 o mild o moderate lang ang tama ngunit nagtatagal ng maraming linggo ang iyong hirap sa paghinga, malamang na may sira na ang iyong baga.

Gawa ng COVID virus ang sira sa baga na hindi basta malaman sa  karaniwang magnetic resonance imaging o MRI scanning.

Napag-alaman ito sa isang eksperimento sa paghinga na nilahukan ng mga may COVID ngunit hindi nagpaospital, may COVID na nagpaospital at walang COVID.

Isinagawa ang eksperimento ng mga siyentista mula sa  Oxford, Sheffield, Cardiff and Manchester sa United Kingdom.

Kasali sa ekperimento ang hindi nagpaospital, na matagal, ilang linggong may kahirapan sa paghinga.

Ang nagpaospital, maigsi lang na panahon na nahirapan siyang huminga.

Op kors, ang pangatlo, walang problema sa paghinga ngunit naging batayan ng pagkukumpara sa kanilang tatlo.

XENON GAS ANG GAMIT

Sa karaniwang MRI scanning o pagsusuri, tinitikngnan ang daloy ng oxygen na sumasama sa pagdaloy ng dugo sa mga ugat sa iba’t ibang parte ng katawan ng tao.

Ngunit hindi basta nakikita ang takbo ng oxygen sa mga may COVID, naospital man o hindi.

Ngunit sa paggamit ng xenon gas na hinihinga paloob ng baga o xenon gas scan, klarong nakikita ang pagdaloy ng nasabing gas patungo sa kahit saang parte ng katawan ng tao.

Pero para sa mga normal at hindi nagkasakit sa COVID iyon.

Para naman sa mga nagka-COVID, naospital man o hindi, kung hindi makita ang xenon gas na dumadaloy sa ilang parte ng baga, nangangahulugan na may problema o sira sa baga.

Isinagawa ang eksperimento gamit ang xenon gas upang malaman kung saang parte ng katawan ng tao ang may diperensya at gagamutin, kung ano ang pwedeng gamot dito at kung paano ang paggawa ng karampatan at epektibong gamot.

MGA PALIWANAG

Sa mga paliwanag karaniwan ng mga doktor, nahihirapan sa paghinga ang isang may COVID dahil namamaga ang baga sa rami ng mga virus ng COVID at anti-bodies o kontra sa sakit na taglay ng tao.

May mga nag-awtopsya naman sa mga bangkay na biktima ng COVID at nakita nilang binubutas at sinisira ang baga ng virus na dahilan ng kahirapan sa paghinga.

Ngayon naman, hindi na kinakailangan ang awtopsya o pagbukas mismo sa dibdib ng tao para malaman ang sira sa baga.

Kailangan lang ang pagpapa-inhale ng xenon gas sa isang tao na may COVID upang malaman kung nasaan ang sira sa baga.

Sa pamamaga ng baga, sinasabi ng mga doktor na kailangan ang gamot laban sa pamamaga para matulungan ang tao na huminga nang maayos.

Sa pagkasira naman ng baga ngunit walang pamamaga na nalalaman sa pamamagitan ng xenon gas scanning, posible umanong dito magsimula ang paggawa ng mga karampatang gamot at hindi basta laban sa pamamaga.

SA PINAS KAYA?

Ano naman kaya ang masasabi ng ating mga siyentista, lalo na ang nagsasabing sila’y mga eksperto sa COVID-19?

Paano nila pag-aralan at igawan ng paraan ang mga nahihirapang huminga makaraang magka-COVID ang mga ito?