May mental health problem, damayan – CBCP

May mental health problem, damayan – CBCP

January 26, 2022 @ 6:44 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Nanawagan ang  healthcare ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa lahat na bigyan ng sapat na atensyon at oras ang mga taong nakakaranas ng mental health problems.

Ang panawagan ni Camillian priest Father Dan Cancino, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care, ay kasunod ng patuloy na pagdami ng mga nakakaranas ng depresyon at iba pang suliraning pangkaisipan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ng pari na upang madaling matulungan at madamayan ang kapwa na nakararanas ng depresyon ay dapat bigyaan ng oras para pakinggan ang nga ito.

“Tingnan natin ang mga behaviors pati ‘yung feelings nila. Mag-reachout tayo to assure them na nandun tayo at sasamahan natin sila,” aniya pa.

Batay sa datos ng Department of Health-National Mental Health Program, aabot sa mahigit isang milyong indibidwal sa bansa ang nakakaranas ng depressive disorder.

Naitala rin dito na mahigit sa 500,000 ang mayroong bipolar disorder at 200,000 naman ang nagsasabing mayroong schizophrenia.

Nakasaad naman sa National Center for Mental Health, umabot sa 1,375 suicide-related calls ang natanggap ng institusyon noong 2021.

Habang ayon naman sa Philippine Statistics Authority na noong 2020, hindi bababa sa higit 4,000 katao sa bansa ang namatay bunsod ng pagpapatiwakal. Jocelyn Tabangcura-Domenden