MAY NAMUMUONG ‘POWER STRUGGLE’ SA CIDG-MANILA

MAY NAMUMUONG ‘POWER STRUGGLE’ SA CIDG-MANILA

September 16, 2022 @ 5:32 PM 3 weeks ago


NAGUGULUHAN pala ngayon ang mga iligalista sa Lungsod ng Maynila dahil may namumuong “power struggle” umano ng dalawang nagpapakilalang bagman o kolektor ng Criminal Investigation and Detection Group -Manila na parehong civilian o wala sa listahan ng aktibong pulis.

Isa na raw dito itong tawagin na lang natin sa alyas “Jonjon Galugad” na hindi lang umaastang pulis kapag ginagalugad, hindi lang ang mga lugar na mababalitaan niyang may iligal na sugal, kundi pati sidewalk vendors na nagkakanda-kuba sa paghahanap-buhay ng parehas.

Ipinagmalalaki raw kasi ni Jonjon Galugad na nabili na niya ang posisyon ng isa namang alyas “Tata Fernan”, isang retiradong pulis, na nagpapakilala naman umano na may hawak ng pangkalahatang koleksiyon ng CIDG sa buong National Capital Region gayundin maging sa Camp Crame.

Baka hindi pa alam nina CIDG Acting Director PBGen. Ronald Lee at kanyang deputy na si PBGen. Sydney Villaflor o ni Acting Deputy Director for Operation PCol. Dionisio Bartolome ang umano’y power struggle ng dalawang kulukutoy na nagpapakilalang bagman kaya malaya pang nakakapagsagawa ng pag-iikot si Jonjon Galugad.

Kung hindi pa alam nitong sina Jonjon Galugad at Tata Fernan ang kalibre at integridad ng pamumuno ni Lee bilang isang opisyal, puwes, eto ang patikim, si CIDG director lang naman ang siyang dahilan nang pagkakasibak ng 63 pulis at 10-civilian employee na sangkot sa iba’t-ibang uri ng katiwalian at anomalya nang director pa si Lee ng Police Regional Office-Cordillera.

Binigyan din siya ng parangal ng National Police Commission noong siya pa ang director ng PROCOR nang tagurian ang rehiyon bilang “Home of Most Disciplined Cops,” bukod pa sa parangal ng Philippine Drug Enforcement Agency dahil sa kanyang pamumuno na may pinakamaraming sinirang taniman ng marijuana, nakumpiskang iligal na droga at nahuling mga drug personalities.

Balik naman tayo sa power struggle, bistadong-bistado raw ang galaw ni Jonjon Galugad dahil bukod pala sa pangha-harass umano niya sa mga sidewalk vendors para mapuwersang maghatag ng tongpats, aba’y para rin palang “bumbay” ang kanyangraket dahil nagpapautang din pala siya ng 5-6 sa mga vendors sa Maynila partikular na sa Quiapo at Divisoria.

Malakas ang loob na magpautang ni Jonjon Galugad dahil kumpiyansa siyang kayang-kaya niyang masingil ang mga kawawang vendors dahil nga feeling daw ay may hawak siyang kapangyarihan na galing sa basbas kuno ng CIDG-Manila.

Noon pa lang ay ma-angas na raw itong si Jonjon Galugad dahil dati rin pala siyang “tuta” ni alyas Tata Fernan na pangkalahatan daw kolektor ng CIDG pero nang humaba na ang pangil at naging isa ng ganap na bulldog, sinasagpang na rin pati ang dating amo at pumapapel na siya na ang kolektor ng CIDG-Manila.

Hindi siguro makaporma sa Manila Police District itong si ‘Jonjon Galugad’ kaya ang binitbit sa pangongolekta ay CIDG-Manila pero kapag natuklasan ni MPD Director PBGen. Andre Dizon na inaabuso ang mga kawawang vendors, tiyak na may paglalagyan siya sa magaling na opisyal.

Si Dizon nga pala ay dati palang close aide ng matikas, bantog at magaling na nagingDistrict Director ng MPD na si Ret. Director General Avelino “Sonny” Razon, Jr. na isa sa minahal, iginalang at naging “darling of the press” sa kanyang kapanahunan kaya tiyak na malalim na rin ang kaalaman ni Dizon sa kalakaran sa Maynila.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.