May pakana sa ‘destab memo’ natukoy na

May pakana sa ‘destab memo’ natukoy na

January 10, 2023 @ 10:39 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Natukoy na ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group (ACG) ang pinagmumulan ng umano’y memorandum na naglalagay sa puwersa ng pulisya sa mataas na alerto sa gitna ng alingawngaw ng planong destabilisasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, tinitingnan ng ACG at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga post sa social media hinggil sa dapat umanong memo.

“May mga na-identify na po ‘yung ating PNP-ACG ‘yung mga source nitong mga dokumento,” ani Fajardo sa interbyu sa Unang Balita.

Gayunpaman, sinabi ni Fajardo na wala siyang kalayaan na ibunyag ang mga natuklasan ng ACG sa usapin.

Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga hindi pa napirmahang papel at humihingi ng mga paliwanag mula sa mga opisyal ng pulisya na ang mga pangalan ay lumabas sa mga dokumento, aniya.

Parehong itinanggi ng PNP at AFP ang mga tsismis sa umano’y planong destabilization sa militar na kumalat sa social media nitong weekend.

Ayon sa PNP, ang heightened alert ng police organization ay para sa mga aktibidad ng Black Nazarene Feast.

Lumutang ang mga alingawngaw ng destabilisasyon at pinataas na alerto ng pulisya matapos ang umano’y pagbibitiw sa Department of National Defense (DND).

Noong Lunes, pinangalanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang kalihim ng DND si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, at Unity Secretary Carlito Galvez Jr. matapos magbitiw ang officer-in-charge nito na si Senior Undersecretary Jose Faustino Jr.

Nauna ring itinalaga ni Marcos si Heneral Andres Centino bilang hepe ng AFP, na pinalitan ang kanyang dating itinalaga, si Lieutenant General Bartolome Bacarro, na halos limang buwan lamang nagsilbi. RNT