May ‘pork’? ELCAC pinagsusumite ng budget report ng Senado

May ‘pork’? ELCAC pinagsusumite ng budget report ng Senado

October 7, 2022 @ 11:03 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinagsusumite ng mga senador ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ng ulat kung paano nito ginastos ang ibinigay na multi-bilyong pisong pondo sa nakalipas na tatlong taon.

Base sa tala, nakakuha ang anti-insurgency task force ng gobyerno ng kabuuang P19.2 bilyong pondo noong 2020, P16.44 bilyon noong 2021, at P17.1 bilyon ngayong taon. Habang nasa P10 bilyon pondo ang iminungkahi para sa NTF-ELCAC sa ilalim ng 2023 National Expenditure Plan.

Sa pagdinig ng Senate finance committee nagpahayag ng pagkadismaya si Senador Nancy Binay sa kawalan ng mga detalye kung paano ginastos ang mga nasabing pondo.

“Paano mo mabibigyang katwiran ang karagdagang P10 bilyon para sa susunod na taon kung hindi mo alam kung ano ang nangyayari sa mga proyektong ito,” giit ni Binay.

Sa pagkatwiran naman ni Budget Undersecretary Tina Canda ukol sa nasabing panukalang pondo, sinabi niya na ang mga barangay lamang ang makikinabang dito at ang mga ito ay tukoy na rin.

Sinabi naman ni Senator Sonny Angara, chairman ng committee on finance, na katumbas ito ng pork barrel, ang discretionary fund na inilaan sa mga mambabatas para sa kanilang local pet projects na idineklara na ng Korte Suprema na labag sa konstitusyon.

“Yun ang mahirap kasi isn’t that a form of pork barrel that’s frowned upon?” aniya.

“Ito ay pork barrel base sa definition ng Korte Suprema dahil alam mo kapag ipinasa mo ang GAA (General Appropriations Act) dapat mayroong identification of projects as much as possible,” ani Angara.

Sinabi naman ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri, na dapat bumuo ng ulat ang NTF-ELCAC ukol sa kung saan nila gagastusin ang pondo. RNT