MAY SUGALAN SA MGA PALENGKE SA MAYNILA? 

MAY SUGALAN SA MGA PALENGKE SA MAYNILA? 

March 11, 2022 @ 7:18 AM 4 months ago


MARAMING ilaw ng tahanan ang napupundi na dahil sa perwisyong dulot ng ‘online sabong’ simula nang pumutok ang pandemyang coronavirus disease 2019.

Hindi na makapunta ang mga sugarol dahil ipinagbawal na ng pamahalaan ang face-to-face at alam naman natin ‘yan na hindi lang mga sabungan ang apektado kundi maging ang mga bingo, lotto at POGO.

Natural lang naman na ipagbawal ang face-to-face dahil maging trabaho, eskuwela at simbahan ay ipinagbawal ang paghaharap kaya nga ang mga empleyado ay work from home (WFH), estudyante ay online learning at relihiyoso ay sumisimba/samba sa pamamagitan ng radyo at telebisyon.

At dahil sa paghigpit ng pamahalaan kaugnay sa Covid 19 para hindi maapektuhan ang mga mamamayan, may mga sobrang husay ng utak na nagawan ng paraan ang ‘pagsilang’ ng online sabong.

Maraming haligi ng tahanan ang naloko sa sabong na ito na napaka-hitech. May mobile phone lang ay kayang kaya nang makapagsugal at kahit menor-de-edad ay naloko sa larong ito at hindi na naasikaso ang pag-aaral dahil ang online sabong daw, tulad ng shabu, ay nakaka-addict.

 Kaya nga nagagalit ang nga ina o asawa ay dahil sa halip na pagkain sa hapag kainan gamitin ang perang kinita sa maghapong pagtratrabaho ay nauubos sa sabong kaya naman ang pamilya ay walang makain. Sa madaling salita ay nganga.

Pero kasama sa pagluwag ng sitwasyon ang unti-unting pagbabalik ng nga tao sa kalye at maging ang mga kabataan sa kanilang mga tambayan.

Ang masakit, isang kandidato sa Maynila ang nagbuking na maging sa mga palengke na naikutan niya, ay may sugal sa loob ng mga pamilihan. Ang mga nagsusugal daw ay nagtatrabaho sa palengke at ang iba naman ay dumarayo roon para lang maibsan ang pangangati ng daliri na makapagsugal.

Aba, aba, aba. Naman, naman, naman! Hinala tuloy ng mga namamalengke, sabwatan ng mga taga- Manila City Hall at Manila Police District (MPD) ang pasugal sa mga palengke.

May nakapagbulong naman sa PAKUROT na dalawang pulis ang may pakana nito. Isa umanong taga- city hall at isang taga-headquarters.

Ang masaklap, magkaklase raw ang mga ito. Maraming kaklase ang dalawang ito na galit na sa kanila dahil daw sa pagiging suwapang ng mga ito sa salapi.

Ang isa, lagi umanong napagagalitan ni Yorme Kois dahil sa pagiging pabaya sa trabaho. Kasi nga Mayor Isko, inuuna nito ang pangongolekta sa mga vendor sa mga bangketa.

Pero ‘yung isa, sobrang ‘very good’ sa boss niya dahil siya ang tumatayong kolektor at madalas na nginangatngat nito ang tenga ng boss niya kaya siya lang ang pinakikinggan.

Itong si Boss nagmumukhang tanga dahil parang kabayo na may tapaoho ang mga mata.

O mga kapanalig at kaKosa, kilala n’yo na?