Maymay humina pa, LPA na lang

Maymay humina pa, LPA na lang

October 13, 2022 @ 6:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Humina ang dati ay Tropical Depression “Maymay” na ngayon ay isang low pressure area na lamang.

Sa kabila nito, nagpaalala ang Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) na patuloy pa rin ang banta kahit humina ito.

Huling namataan ang LPA sa dagat na sakop ng Casiguran, Aurora at kumikilos sa direksyon west southwestward sa bilis na 15 kilometro kada oras sa 5 a.m. bulletin ng ahensya.

Dahil sa LPA na lamang ang dating tropical depression Maymay, inalis na ang tropical cyclone wind signal na nakataas sa ilang probinsya kahapon, Oktubre 12.

Inaasahan naman na makakaranas ng katamtaman hanggang malakas na ulan ang Cagayan, Isabela at Apayao ngayong araw hanggang bukas ng umaga.

Mahina hanggang katamtaman na ulan ang inaasahan sa nalalabing bahagi ng Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.

Sa kaugnay na balita, mayroon isang tropical depression pa ang binabantayan ng PAGASA sa labas ng Philippine Area of Responsbility (PAR) na inaasahan papasok sa bansa ngayong araw. RNT/JGC