MAYNILA DALHIN MO ANG BANDILA



MAYNILA DALHIN MO ANG BANDILA

June 9, 2021 @ 2:02 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

ISANG taon na lang, nakatakda nang pumiling muli ang sambayanang Filipino ng mamumuno ng anim na taon sa bansa kaya ngayon pa lang ay naglulutangan na ang mga pangalan ng mga politiko na posibleng tumakbo sa pagka-Pangulo ng bansa.

Isa sa mga lumutang na pangalan ang alkalde ng Maynila na si Mayor Isko Moreno Domagoso na kahit walang kumpirmasyon kung siya ba ay nag-aambisyong maging Pangulo, maraming grupo at indibiduwal ang nagtutulak para pamunuan ang buong bansa.

Pero ang tanong din ng marami, may kakayahan at may napatunay Pangulo ng bansa?

Kung masusing susuriin ang naging performance ni Yorme sa maikling panahon pa lamang ng pagiging ama ng lungsod ng Maynila, baka masagot ang katanungan ng marami kung may kakayahan ba siyang pamunuan ang bansa.

Una na rito ang itinulak niyang pagpapasa ng ordinansa ng konseho ng lungsod kaugnay sa social amelioration program na magkakaloob ng buwanang allowance sa mga senior citizen,
PWD, solo parents, senior high students at college students sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at sa Universidad De Manila (UDM) na talaga namang umani ng katakot-takot na papuri.

Sa programang pabahay, isinulong kaagad niya ang pagtatayo ng Tondominium I & II, Binondominium at Basecommunity na kung hindi lang sana inabutan ng pandemyang dulot ng COVID-19 ay baka tinitirhan na ngayon ng informal settlers.

Naipaayos din ng alkalde ang bantog na Manila Zoo at ang halos ay nabubulok nang Ospital ng Maynila bilang isa pa lamang sa marami niyang programang pangkalusugan.

Mabilis ang pag-usad ng mga programa at proyekto ni Yorme sa lungsod dahil katuwang niya, hindi lamang si Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, kundi ang buong konseho ng lungsod sa pangunguna ni Majority Floor Leader 3rd District Councilor Atty. Joel Chua at mga konsehal sa anim na distrito ng lungsod.

Ito ang dahilan kung bakit humakot ng sangkaterbang parangal ang lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila kagaya ng pagiging Top 1 Overall Competitiveness for Highly Urbanized Cities, Top 1 Most Competitive in Government Efficiency for Highly Urbanized Cities, Top 1 Most Competitive in Infrastructure Award for Highly Urbanized Cities, Top 3 Most Competitive in Dynamism for Highly Urbanized Cities at Top 3 Most Competitive in Resiliency for Highly Urbanized Cities.

Kung tutuusin, hindi naman ang Maynila ang pinakamayamang lungsod sa bansa pero kahit limitado lang ang pondong nakakalap ng kaban ng lungsod, nagawa ni Yorme na maipatupad ang mga programa at proyekto sa madaling panahon.

Tinupad din niya ang pangako na walang magugutom sa Maynila at lahat ng pamilyang Manilenyo ay kakain, patunay ang walang patid na ayudang ipinamamahagi sa bawat mamamayan ngayong panahon ng pandemya.

Sabi nga ng isang Punong Barangay sa lungsod, kapag nasimulan na ang pagbubukas ng itinatayong Manila COVID-19 Field hospital sa Luneta, at magkaroon ng “soft opening” ang itinatayong pabahay sa Tondominium I at II, Binondominium at Basecommunity, hindi malayong lolobo pa ang bilang ng mga nagtutulak na maging Pangulo ng Pilipinas kay Yorme Isko.

Kaya lang, sa tuwing mapag-uusapan ang pulitika, ang laging bukambibig ni Yorme ay ang katagang “Pokus muna tayo sa Maynila, tsaka na ‘yang pulitika, darating din tayo diyan. May pandemya pa, ang kailangan ng tao ngayon ay serbisyo ng gobyerno.”

Marami tuloy ang nasasabik at naghihintay sa desisyon ni Yorme Isko kung tatakbo ba siya bilang Pangulo o ang pagiging alkaldeng muli ng lungsod. Malay natin, baka sa darating na Araw ng Maynila sa Hunyo 24 ay ihayag na niya ang kanyang plano, lalo na’t may tema ang pagdiriwang na “Maynila dalhin mo ang Bandila”. Hindi kaya ang ibig sabihin nito na dadalhin ni Yorme na tunay na isang Batang Maynila ang Bandila ng bansa? Nagtatanong lang naman.


  •  
  •  
  •