Maynila handa sa pagsirit ng COVID cases- Isko

Maynila handa sa pagsirit ng COVID cases- Isko

January 3, 2022 @ 1:35 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Siniguro ni Manila Mayor Isko Moreno na ang handa ang city government sakaling lumobo ang coronavirus disease (COVID-19) cases sa bansa, partikular sa Metro Manila.

Tiniyak ni Moreno sa publiko nitong Lunes na naihanda na ng lokal na pamahalaan ang lahat ng kinakailangan upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa Maynila, kabilang na ang Omicron variant.

“Daig ng maagap ang masipag. While it is true that we are still in a situation na medyo kaya pa natin, pero ayaw ko kayo na dumating pa sa sitwasyon na naghahabol tayo lahat,” ani Moreno.

Inilahad ni Moreno na sapat ang suplay ng anti-COVID-19 drugs, kabilang ang 22,758 tablets ng mulnopiravir; 3,935 ng remdesivir; 3520 ng baricitinib; at 732 of tocilizumab sa lungsod.

Dagdag ng alkalde, inaasahang darating sa Martes ang karagdagang suplay ng mulnopiravir.

Patuloy niya, bumili rin ang lokal na pamahalaang ng Paxlovid, isang antiviral pill na pinaniniwalaang nakababawas ng panganib ng pagkaka-ospital o kamatayan ng hanggang 89 porsyento sa COVID-19 patients.

“There’s a new product, Paxlovid, nagpabili na po tayo pero hindi pa available sa mundo. Inaantabayanan pa natin na maging available sa mundo, pero umasa kayo, kung saka-sakali, available na siya, tayo po ay mag-aacquire,” pahayag ni Moreno.

Nauna nang ianunsyo ng Department of Health na pinaghahandaan nito ang pagbili ng Paxlovid para sa Pilipinas.

Bukod sa mga gamot, inilahad din ni Moreno na mayroong 1,374 oxygen tanks na naka-reserba ang Maynila. Inayos na rin umano ang quarantine facilities sa lugar. RNT/SA