MAYNILA HUMILERA SA PINAKAMAHUHUSAY

MAYNILA HUMILERA SA PINAKAMAHUHUSAY

July 19, 2022 @ 6:30 PM 3 weeks ago


KINILALA ng dayuhang life­style website na Time Out ang Maynila – ang siyudad kung saan ako isinilang, lumaki, nag-aral, at nagtrabaho – bilang isa sa world’s best cities ngayong 2022.

Pang-34 sa 53 pinakamahuhusay na siyudad sa mundo, ang Maynila ay tinukoy ng website bilang “thriving again,” base sa opinyon ng nasa 20,000 biyahe­rong sinarbey para sa lista­han.

 Pinakahinahangaan sa kabisera ng Pilipinas, siyempre pa, ay ang “welcoming and infectious smiles of its people.” Pero binigyang-diin sa review, na ginawa ng Time Out sa kasagsagan ng pandemya, ang pagtukoy ng survey respondents sa Maynila bilang “third most resilient” sa listahan ng mga lungsod.

Sinusuportahan nito ang pinaniniwalaan ko na hindi naging patas ang COVID-19 resilience reports ng Bloom-berg simula 2020 hanggang 2021, nang pinanatili nitong kulelat ang Pilipinas sa 53 bansang sinuri nito bilang “best and worst countries to be in” sa panahon ng pandemya.

Kamote ang Bloomberg!

***

Para sa isang napakagandang balita, lalo na para sa sektor ng turismo, tunay na karapat-dapat ipagdiwang ang pagkakapuwesto ng Maynila sa listahan ng pinakamahuhusay na siyudad ngayong taon.

Gayunman, hayaan ninyong ituwid ko ang paniniwalang ibinibigay ng Konseho ng Maynila kay dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang lahat ng papuri kaugnay ng pagkilalang ito.

Ganito marahil ang luma­labas – o maaaring ganito ang tinutumbok ng ilang posts sa social media – pero ang katotohanan, pinupuri ang ngayon ay isa na lamang Citizen Isko dahil sa kanyang mahusay na pamumuno sa panahon ng pinakamatinding pananalasa ng pandemya.

Para sa kanyang mga tagahanga, naigiit pa rin ni Yorme Kois ang pagpapatayo ng Bagong Ospital ng Maynila; ng Tondominium, Binondominium, ng Basecommunity socialized housing projects; ipi­naayos ang Manila Zoo; ang Manila COVID-19 Field Hospital; at ang digitalization ng lahat ng transaksiyon sa pamahalaang lungsod.

Ngunit para sa mga kritiko, naging posible ito dahil naglaan ang siyudad ng bil­yun-bilyong piso ng utang at ibinenta ang ilan sa pinakamahahalagang ari-arian ng lungsod, sa kapahamakan ng mga residente nito.

***

Sa kabila nito, nakatulong sa imahe ng Maynila ang pagtatagumpay ni Yorme, at naniniwala akong ang parehong pagkilala ay dapat na igawad sa ibang mga alkalde sa National Capital Region na ang epektibong pamumuno ay na­ka­tulong upang mapagtagumpayan ng mga taga-Metro Manila ang napakatinding ha­gupit ng krisis pangka­lusugan.

Ipinakita sa survey ng international travellers na sinuri ang Maynila sa larangan ng “cultural aspects, eclectic contemporary art galleries, high-end shopping malls, restaurants, edgy music venues, nightlife,” at ibang konsideras­yon, tulad ng diwa ng pagtutulungan ng mga komunidad, pagiging matatag, pabor sa mga naglalakad, maganda at ligtas na pampublikong transportasyon, at sustainability.