Maynila naka-high alert sa malakas na ulan ni Quinta

Maynila naka-high alert sa malakas na ulan ni Quinta

October 26, 2020 @ 11:35 AM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Inatasan ni Mayor Isko Moreno Domagoso na ilagay sa “high alert” status ang city engineering, social welfare at disaster risk reduction and management offices ng lokal na pamahalaang lungsod bunsod na din ng nararanasang malakas na ulan dulot ng bagyong Quinta sa Maynila.

Bukod dito ay inatasan din ni Domagoso ang Department of Engineering and Public Works (DEPW) at ang Department of Public Services (DPS) na magsagawa ng “declogging” sa mga imburnal sa lungsod at tanggalin ang mga basura nito, partikular na ang mga lugar na madaling bahain.

“Mag-declog lang tayo ng mag-declog ng mga imburnal, as many as possible. Ilabas natin ang lahat ng resources ng mga district engineers. Let’s just focus, para walang baha o maiwasan man lang natin,” ani Domagoso.

Gayundin ay inatasan ng Alkalde si Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Director Arnel Angeles na ihanda ang mga tauhan at kagamitan nito kung kinakailangan na ang paglikas sa mga residente sa mga baybaying lugar sa lungsod.

Ngayong alas-10 ng umaga ay naihanda na ng MDRRMO ang “evacuation site” na kanilang itinayo sa Rosauro Almario Elementary School sa Tondo.

Ang nasabing evacuation site ay kasalukuyang mayroong 50 tent kung saan isang pamilya sa kada tent, ngunit handa ang MDRRMO na maglagay ng higit pang tent kung kinakailangan.

“We move on with the possible flooding and possible affected individuals, repeat performance na lang ‘to. I want what Dir. Angeles did last week, (ang paghanda sa posibleng paglikas),” ayon kay Domagoso.

Kaugnay nito, hiniling din ni Domagoso na maghanda ng mainit na pagkain, kumot at iba pang tulong para sa mga posibleng bakwit, partikular sa Baseco at Isla Puting Bato.

“Director Re Fugoso, please have the Manila Department of Social Welfare (MDSW) prepare food assistance for possible affected individuals,” atas ng Alkalde.

Habang isinusulat ang balitang ito, sinabi ng MDRRMO na wala pang insidente ng pagbaha ang naiulat sa mga pangunahing kalsada gayundin sa ilang mga kalye sa lungsod ng Maynila.    JAY Reyes


  •  
  •  
  •  

Loading...