Mayor arestado sa kasong pagpatay

Mayor arestado sa kasong pagpatay

September 12, 2022 @ 10:20 AM 3 weeks ago


ISULAN, Sultan Kudarat –Arestado ang isang alkalde sa dalawang bilang ng kasong pagpatay sa ginawang operasyon ng mga awtoridad nitong Sabado sa Davao City.

Sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas nitong Setyembre 9, 2022 ni Tacurong City, Sultan Kudarat Regional Trial Court Branch 20 Judge Samina Sampaco Macabando Usman, nadakip ang suspek na kinilalang si Pandag Mayor Khadafe Mangudadatu.

Dakong alas-4:15 ng hapon sa Royal Mandaya Hotel Davao City, isinilbi ng pinagsamang pwersa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group-Bangsamoro Autonomous Region ang warrant of arrest laban sa naturang alkalde.

Si Mayor Mangudadatu ang itinuturong pumatay sa mag-asawang Abdullah at Lala Ligawan noong Oct. 17, 2010 sa Barangay Sinakulay, President Quirino, Sultan Kudarat.

Bukod kay Khadafe, sangkot rin sa kaso ang kanyang mga kapatid na si Freddie, dating mayor ng President Quirino, at Jong Mangudadatu, dating mayor ng Buluan, Maguindanao.

Sinabi naman ng magkakapatid na Mangudadatu na ang kasong pagpatay laban sa kanila ay politika ang motibo ng kampo ng dating Sultan Kudarat Gov. Teng Mangudadatu na asawa ni Bai Mariam, kasalukuyang governor ng Maguindanao matapos talunin si Toto Mangudadatu.

Matatandaan ang pamilya ni Toto, tauhan abogado, supporters at mga miyembro ng mamamahayag ay dinukot at pinatay noong 2009 Maguindanao massacre.

Naka-hospital arrest sa Davao si Khadafe matapos dumaing ng paninikip ng dibdib .

Hindi naman pinahintulutan ng korte si Khadafe na makapag-piyansa para sa pansamantala nitong kalayaan. Mary Anne Sapico