Mayor Binay may babala sa fixers

Mayor Binay may babala sa fixers

February 8, 2023 @ 12:25 PM 1 month ago


MAKATI – Nagbigay ng babala si Makati City Mayor Abby Binay sa publiko gayundin sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan makaraan ang pagkakaaresto ng dalawang city hall employees at isang indibidwal na sangkot sa aktibidad ng fixing nitong nakaraang Enero 31.

“Tandaan niyo: Walang lugar ang Makati para sa mga manloloko, mandaraya at mandarambong,” ani Binay.

Ang tatlong indibdwal na kinilalang sina Wilfreda de Leon, 59, na isang Administrative Assistant II; Merlin Balbuena, 46, empleyado ng Makati Health Department-Sanitary Section; at Aisheen Mana-ay, 27, ay inaresto ng mga operatiba ng Makati City police dahil sa pagpoproseso ng under-the-table kapalit ng may sapat na halaga at pagrelis ng iba’t-ibang government-issued documents tulad ng business permits at health certificates.

Nahaharap ang tatlong suspects sa kasong paglabag sa Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

Nagpasalamat naman si Binay kay Makati City police chief P/Col. Edward Cutiyog gayundin sa buong lokal na kapulisan sa kanilang agarang aksyon na nagdulot sa pagkakaaresto ng tatlong suspects.

“Nawa ay magsilbi itong babala sa mga fixer sa loob at labas ng pamahalaang lungsod. Hindi po kami titigil sa panghuhuli at pagpaparusa ng mga tiwaling kawani at opisyal sa city,” ani pa Binay.

Kasabay nito ay pinasalamatan din ni Binay ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan sa kanilang katapatan sa pagsisilbi sa publiko pati na rin sa mga Makatizens at umaasang hindi magpapabulag ang mga ito sa inaalok na pera ng mga korap na indibidwal.

“Gusto kong mapanatiling malinis ang rekord ng aking administrasyon laban sa korapsyon at mga maanomalyang transaksiyon. Hindi ko hahayaang sirain ng iilang tao ang pinaghirapan at pinagsikapan ng mas maraming lingkod-bayan sa loob nang maraming taon,” dagdag pa ni binay. (James I. Catapusan)