MAYOR COLLANTES NAGBAGO NG ISIP, ANYARE?

MAYOR COLLANTES NAGBAGO NG ISIP, ANYARE?

September 6, 2022 @ 6:14 PM 4 weeks ago


KUNG noo’y pinupuri si Mayor Sonny Collantes dahil nagawa niyang ipatigil ang operasyon ng STL-con jueteng sa Tanauan, Batangas – ngayon, siya ang sentro ng batikos dahil sa muling pagbabalik ng naturang sugal sa kanyang lungsod.

Noong Hulyo 1, 2022, pag-upo pa lang ni Collantes bilang alkalde ng Tanauan, unang naging utos sa mga pulis sa kanyang nasasakupan ay itigil ang napakatagal nang operasyon ng STL-con jueteng na nag-ooperate sa lahat ng barangay sa siyudad.

Ang kanyang naging aksiyon ay umani ng papuri sa mga residente, grupo ng anti-vice crusaders at maging ang Philippine Charity Sweepstakes Office sa pangunguna ni Chairman Junie Cua at Gen. Manager Mel Robles ay walang humpay ang pagpuri sa kanya.

Subalit makalipas lang ang mahigit isang buwan ay nagbalik ang operasyon ng STL-con jueteng sa buong lungsod sumunod ang umaalingasaw na balitang isang mataas na city hall official ang ‘di-umano’y nasa-likod sa muling pagsulpot ng nasabing sugal.

Tumataginting na P6 milyon umano ang hinihingi ng isang mataas na opisyal ng city hall para makabalik ang operasyon ng iligal na sugal. Ang masaklap pa, ang jueteng operators ay pawang mga barangay leaders, ang karamihan ay kapital ng barangay.

Habang mas masakit naman na ang operator ng sugal sa mga barangay ay sila ring tong collector ng city hall at maging ng mga pulis.

Tuloy-tuloy ang operasyon ng STL con jueteng sa mga barangay. Okay lang sana ang sugal na maging laganap sa mga barangay huwag lang droga.

Pero sa Tanauan, Batangas nga ay talamak din ang droga. Involved sa pagpapakalat ng droga sina Ocampo, Emil, Aldrin, Terio, Angke at Lawin ng Brgy. Bagbag, Pantay na Bata at Pantay na Matanda – sina Rowel at Barania; Brgy. Trapiche sina Engke at Cancio at Dexter ng Brgy. Ulango.

Ano ba talaga ang nangyari at noong una lang nagpasikat si Collantes pero ngayon naman at biglang nanahimik at walang pakialam sa nangyayari sa kanyang bayan? Marami tuloy ang nagdududa sa kakayahan at pagkatao nitong si Collantes.

Mas maganda siguro na pasubalian ni Collantes ang kumakalat na balitang may isang mataas na opisyal ng pamahalaan lungsod na kanyang pinamumunan ang tumatanggap ng P6 milyong payola buwan-buwan.