Manila, Philippines – Nagkaroon ng panibagong anggulo ang pulisya sa pamamaslang kay Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde, may nakaaway umano siyang isang dating general na may mataas na posisyon.
“Mayroon din na siyang nakaaway na former general na high ranking… alleged lang naman ‘yung with regards to involvement niya with illegal drugs,” paliwanag ni Albayalde sa isang ambush interview.
“Hindi ko lang sure kung ano talaga ang naging punot-dulo ng away nila,” dagdag pa nito.
Hindi naman matukoy ng hepe ng pulisya kung ang heneral ay mula sa militar o sa PNP.
“Basta sabi nila general, so that is part of the investigation actually,” ani Albayalde.
Nauna rito, nagsagawa na ng reenactment sa nangyaring assassination noong Lunes ng umaga.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang nakita nilang ‘sniper hole’ ang siyang ginamit ng gunman sa pagpatay kay Halili.
Bukod dito, ayon kay Police Region 4-A Chief Supt. Edward Carranza, posibleng may kasama ang gunman sa lugar ng kanyang posisyon dahil sa laki ng ginawang sniper hole.
Magsasagawa na rin ng ballistic test ang polisya sa natagpuang basyo ng bala. (Remate News Team)