Mayor inambush sa Pasay

Mayor inambush sa Pasay

February 23, 2023 @ 3:10 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Himalang nakaligtas sa ambush ang mayor ng Montawal, Maguindanao nitong Miyerkules ng gabi, Pebrero 22 sa Roxas Blvd. Service Road, Pasay City.

Sa ulat na ipinalabas ng IDMS sa pamumuno ni PLt. Desalisa, tinambangan sa Roxas Blvd, Service Road, Brgy. 4, Pasay City dakong 6:30 gabi si Ohto Montawal Caumbo, Mayor ng (Pagagawan) Datu Montawal, Maguindanao del Sur; si Caumbo ay residente ng Tunggol Datu Montawal, Maguindanao del Sur.

Kasalukuyan ngayong sumasailalim sa medical treatment sa Asian Hospital, Muntinlupa City ang nasabing alkalde na nagtamo ng tama ng bala sa balakang at kaliwang kamay.

Sa salaysay ng witness na si Ronald Caumbo, kasama ng alkalde, sakay sila ng Toyota Hi-Ace Van na may plate number NCN 7620 at binabagtas ang Roxas Boulevard Service Road patungong Buendia nang dalawang hindi nakilalang mga lalaking suspek ang lumapit sa kanilang sasakyan at biglang pinagbabaril ang biktima.

Mabilis na tumakas ang mga suspek papunta sa dako ng Buendia, Pasay City matapos ang pamamaril.

Dinala naman ng witness na si Ronald Caumbo ang biktima sa Ospital ng Maynila, at kalaunan ay inilipat sa Asian Hospital sa Muntinlupa City.

Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Police Sub-Station 1, Pasay sa pamumuno ni PCapt Valdez at nagtungo sa ospital.

Sa inisyal na imbestigasyon ng kaso at review ng CCTV footages ng Brgy 4, Pasay City ng Team ni Deputy Commander PLT Macarunay at ng mga imbestigador ng IDMS Pasay CPS, 2 fired cartridge cases ng baril ang nakuha sa crime scene. Dave Baluyot