Mayor Isko pokus muna sa pagtugon vs COVID sa Maynila

Mayor Isko pokus muna sa pagtugon vs COVID sa Maynila

January 24, 2022 @ 4:19 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Pokus muna si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa pamamahagi ng mga bakuna kontra COVID-19 sa lungsod ng Maynila gayundin sa pamamahagi ng libreng gamot at medikal na atensyon lalo na nitong nagdaang biglaang pagtaas ng bilang ng impeksyon dulot ng nasabing sakit.

Ito ang ipinahayag ni Domagoso kasabay ng isinagawang pagbabasbas sa pitong bagong dump truck ng Department of Public Services (DPS) na gagamitin sa buong lungsod ng Maynila upang mapanatili ang kalinisan sa lungsod.

Kasama ni Domagoso sina Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at 3rd District Congressman Yul Servo kung saan pinuri ng Alkalde si DPS Director Kenneth Amurao gayundin ang mga tauhan nito dahil sa walang tigil na isinasagawang cleaning operation sa mga estero gayundin sa lahat ng sulok ng lungsod.

“Yung aming estero rangers, mula pa July 2019 walang tigil sa paglilinis ng estero. Thank you sa DPS, kay Kenneth Amurao, sa kanilang kasipagan at non-stop na paglilinis at paghahakot ng mga basura sa lungsod ng Maynila. Kaya nga DPS yan eh. Dampot, pukol, salo,” ani Domagoso.

Samantala, sinabi naman ni Domagoso, na isa sa mga tumatakbong Pangulo sa darating na national election at standard bearer ng Aksyon Demokratiko, pansamantalang hindi muna umano nito prayoridad ang anumang aktibidades na may kaugnayan sa darating na eleksyon.

Aniya, pokus muna sila ng kanyang Vice Mayor na si Dra. Lacuna sa pamamahagi ng mga bakuna sa mamamayan at pagbili ng mga kinakailangang gamut at mga kagamitan na magagamit lalo na ng mga may sakit na COVID-19.

“There is no point to govern kung lahat ng tao namamatay o may sakit. Dapat maramdaman ng gobyerno na may masasandalan sila. Bakuna, gamot at tamang equipment ang aming prayoridad ngayon,” giit ni Domagoso.

“Yang kampanya, kanila na muna ‘yan. Ang priority namin sa Maynila ay bakuna, gamot at kalinisan.” dagdag pa ni Yorme.  JAY Reyes