Mayor Malapitan, DepEd official, kinasuhan ng katiwalian sa Ombudsman

Mayor Malapitan, DepEd official, kinasuhan ng katiwalian sa Ombudsman

June 2, 2021 @ 12:26 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Kinasuhan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, dalawang opisyal ng lungsod, at ang Undersecretary ng Department of Education (DepEd).

Ayon sa ulat na may kaugnayan ito sa umano’y maanomalyng pagbili ng P320 milyong dispalinghadong tablets para sa online class ng mga estudyante.

Nabatid sa 13 pahinang demanda na inihain nila City Councilors Christopher “PJ” Malonzo, Marylou Nubla, at Alexander Mangasar, nagsampa ng reklamong katiwalian sa Ombudsman ang mga naturang konsehal laban kay Mayor Malapitan.

Kasama rin sa mga kinasuhan kaninang umaga Hunyo 2, 2021 (Miyerkules) ng katiwalian sina DepEd Undersecretary Alain del Pascua, City Treasurer Analiza Mendiola, Bids and Awards Committee chairman, Engr. Oliver Hernandez at ang supplier ng substandard tablets na si Annalou Pallarca, Senior Project Officer ng kompanyang Cosmic Technology Incorporated.

Ayon sa reklamo, ang mga kinasuhan ay nagsabwatan umano sa pagbili ng overpriced gadget na kalaunan ay hindi magamit sa online class ng maraming estudyante ng lungsod.

Kinuwestiyon din ng mga complainant ang kawalan umano ng public bidding sa pagbili ng daan-daang milyong pisong tablets na lantarang paglabag sa Procurement Law ng pamahalaan.

Kaugnay nito binanggit din ng mga complainant na makailang ulit silang nagpadala ng liham kay Mayor Malapitan para hingiin ang detalye ng naging proseso ng pagbili ng gadget sa halagang P4,930 bawat unit ng Cherry Cosmos 7, subalit umabot umano sa walong buwan bago ito sumagot gayong nakasaad sa inaprubahang ordinansa na dapat ay mag-uulat ang alkalde labing limang araw matapos ang proseso.

Ayon sa mga konsehal, ang mataas na uri na Cherry Mobile Superior Radar Deluxe 2 na nagkakahalaga lang ng P3,299 ay pasok sa Technical Specification ng division of city school, subalit mas pinili bumili umano ng mas mahal, out model at mababa ang kalidad ng mga tablet.

Binigyang-diin pa ng mga konsehal na nakatipid sana ng P79,579, 226 ang lungsod kung ang binili ni Malapitan ay ang superior quality na bukod sa mura ng 33%, mas mataas pa umano ang kalidad nito.

Imbes na P320 milyon, aabot lamang umano sana sa P239,125,554 ang gastos ng lungsod kumpara sa binili ni Malapitan na Cosmos 7 na matagal nang wala sa merkado dito man o sa abroad. Santi Celario