Mayor, na-COVID-19; ECQ idineklara

Mayor, na-COVID-19; ECQ idineklara

August 6, 2020 @ 11:36 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

ISABELA – Agad na isinailalim sa enhanced community quarantine ngayong araw ang buong Ilagan City makaraang magpositibo mismo si Mayor Josemarie Diaz sa coronavirus disease-19.

Bagama’t asymptomatic si Mayor Diaz, minabuti na nitong mag-isyu agad ng Executive Order No. 54 Series of 2020 para sa pagpapairal ng ECQ at pag-lockdown na mismo sa buong City Hall sa loob ng isang linggo mula Agosto 6 hanggang Agosto 12, 2020.

Ang mabilis na pagdami ng nahawaan ng COVID-19 at local transmission nito ang ginawang dahilan para sa pag-iisyu ng nasabing EO 54.

Ayon kay Public Information Officer Paul Cabacungan, nagsasagawa na ng contact tracing ang mga kinauukulan mula sa pamilya ng Punonglungsod hanggang sa mga kasambahay at nakasalamuha nito sa mga nakalipas na ilang araw hanggang ngayon.

Sinimulan na ring isailalim sa swab test ang lahat ng mga opisyal at empleyado ng lungsod, kabilang na ang mga department head at konsehal, na nakasalamuha ng alkalde.

Sa ilalim ng ECQ, istrikto nang ipinatutupad ang stay at home na patakaran at tanging ang mga APOR o authorized person outside residence lamang ang pupwedeng lumabas para sa mga esensyal na pangangailangan ng pamilya ng mga ito.

Marami na ring kompanya at negosyo ang isinara sa lungsod at kasabay nito ang pagbabawal ng paglalako ng alak at pagpapairal ng curfew.

Pinakilos na rin ang mga pamahalaang barangay para ipatupad nang ganap ang ECQ.

Pinapayagan ng Inter Agency Task Force o IATF ang pagdedeklara ng localized community quarantine kapag may nagaganap ng local transmission sa isang lugar. RNT/Fred Cabalbag


  •  
  •  
  •  

Loading...