Mayor sa Quezon natalo sa recount, ipinagtanggol ng supporters

Mayor sa Quezon natalo sa recount, ipinagtanggol ng supporters

November 9, 2022 @ 1:09 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Galit na sumugod sa munisipyo ng Jomalig, Quezon ang mga taga-suporta ng natalong mayor nito na si Mayor Nelmar Sarmiento sa ikinasang manual recount na inihain naman ng katunggali nito na si Rodel Espiritu.

Ito ay makaraang maglabas ng desisyon ang Regional Trial Court ng Infanta, Quezon ng resulta ng naturang recount at lumitaw na natalo nga si Sarmiento.

Sa nagdaan na May 2022 elections, matatandaan na iprinoklama siya bilang nanalong mayor ng bayan makaraang magkaroon ng lamang na 13 boto laban sa incumbent mayor noon na si Espiritu.

Hindi naman natanggap ng incumbent mayor na siya ay natalo kung kaya’t naghain ito ng election protest sa Regional Trial Court, dagdag pa ang marami umanong iregularidad sa nangyaring botohan.

Dahil dito ay isinagawa ang manual recount at lumabas na lumamang pa ng 18 boto ang nagprotesta na si Espiritu.

Kagyat na idineklara si Espiritu na tunay na nanalo at inutusan si Sarmiento na bakantehin na ang pwesto nito sa pamamahala ng tunay na nanalo.

“Sa mga nakikisawsaw, nagpapahayag ng kanilang damdamin na nagdudulot rin ng kaguluhan, relax lang kayo. May tamang proseso, may Panginoon, may Diyos, magsasabi, magtatakda kung sino ba talaga ang karapat-dapat nanalo noong nakaraang halalan. Pabayaan niyo ang lugar namin ay maging mapayapa,” pahayag ni Sarmiento.

Tiniyak naman niya na siya pa rin ang nakaupong alkalde at patuloy na gagampanan ang tungkulin habang nagpapatuloy pa ang ipinasa nilang apela sa desisyon ng korte. RNT/JGC