Mayorya ng 44M napanis na bakuna galing LGUs, private sector-DOH

Mayorya ng 44M napanis na bakuna galing LGUs, private sector-DOH

December 15, 2022 @ 9:23 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagmula sa local government units at pribadong sektor ang mayorya sa napanis na 44 milyong COVID-19 vaccines, ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa Senate blue ribbon committee na nagsagawa ng “motu propio” investigation sa non-disclosure agreement na pinirmahan ng DOH sa mga vaccine manufacturers.

Ayon kay Vergeire, may 44 milyong nasayang na bakuna ang bumubuo sa 44.82 porsyento (19.8 milyon) na binili ng pribadong sektor.

May 33.35 porsiyento o humigit-kumulang 14.5 milyon mula sa mga LGU at 2.02 porsiyento lamang o humigit-kumulang 2.9 milyon ang nagmula sa national government.

Bukod dito, sinabi ng DOH na 10.95 porsiyento ng kabuuang naipong expired na bakuna sa bansa ay donasyon  sa pamamagitan ng COVAX facility.

Ayon sa opisyal, tinatayang nasa P1.99 bilyon ang halaga ng nasayang na bakuna.

Idinipensa naman ni dating Finance Secretary Carlos Dominguez ang dami ng nasayang na bakuna ng gobyerno na nauna nang sinabi ng DOH na ang mga natirang bakuna ay hindi nagamit dahil sa maikling shelf life at operational waste tulad ng temperature excursion o natural disasters.

Sinabi ni Dominguez na nagawa ng gobyerno na makuha ang 251 milyong doses ng bakuna kung saan 92.83 milyon ang dumating bilang mga donasyon.

Ang pambansang pamahalaan, aniya, ay bumili ng 134.13 milyon, habang ang mga LGU at pribadong sektor, ay 24.42 milyong dosis.

Pinaalalahanan ni Dominguez ang panel na ang nangyayari sa kasagsagan ng pandemya ay isang  “seller’s market” at hindi “buyer’s market.”

Samantala, tiniyak  ni Vergeire sa committee na ang DOH ay patuloy sa kanilang konsultasyon sa mga eksperto kung makakapagbukas na  ng pangalawang booster vaccination program sa general population.

Nasa proseso na rin aniya ng negosasyon para sa posibleng pagkuha ng bivalent vaccine sa mga darating na buwan. Jocelyn Tabangcura-Domenden