Mayorya ng Pinoy: Pinas nasa tamang direksyon sa PBBM admin

Mayorya ng Pinoy: Pinas nasa tamang direksyon sa PBBM admin

November 29, 2022 @ 9:17 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – WELCOME sa Malakanyang ang resulta ng pinakahuling survey ng OCTA Research kung saan lumabas mas maraming Pilipino ang naniniwala na patungo sa tamang direksyon ang Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Sa 4th quarter kasi ng 2022 Tugon ng Masa survey, 85% ang sumagot at nagsabi ng ‘Oo’ ; 6% ang nagsabi ng hindi at 9% naman ang hindi raw alam o tumangging sumagot sa tanong na “kung nasa tamang direksyon ba ang Pilipinas base sa mga inilahad at ipinatutupad na programa at polisiya ng kasalukuyang administrasyon.”

Sinasabing 91% ng mga Pilipino sa Visayas ang nagsabing maayos na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bansa habang 87% sa Balance Luzon at 84% sa Mindanao ang pareho ng paniniwala.

Nasa 70% naman ng mga Pilipino sa National Capital Region (NCR) ang naniniwalang nasa tamang landas ang Pilipinas sa ilalim ng Marcos administration.

Kung pagbabatayan ang socio-economic classes, pinakamaraming nasa Class D o lower middle class ang naniniwalang nasa tamang direksyon ang bansa.

Ginawa ang survey noong OKtubre 23 hanggang 27 sa 1,200 indibiduwal, edad 18 pataas at may margin of error na + (plus) o – (minus) 3%.

Base pa sa Octa Research, hindi kinomisyon ang nasabing survey kundi sariling kusa nila ito. Kris Jose