Mayorya ng populasyon ‘di pa kwalipikado sa 2nd COVID-19 booster dose – Vergeire

Mayorya ng populasyon ‘di pa kwalipikado sa 2nd COVID-19 booster dose – Vergeire

June 20, 2022 @ 5:24 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Hindi pa rin kwalipikado ang mayorya ng populasyon ng Pilipinas na kumuha ng kanilang pangalawang booster shot, sa kabila ng panawagan para sa karagdagang proteksyon mula sa mga subvariant ng COVID-19.

Sinabi ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire sa panayam ng CNN Philippines’ The Source nitong Lunes na hanggang ngayon, tanging mga health worker, immunocompromised at senior citizens lamang ang maaaring kumuha ng kanilang pang-apat na bakuna.

Sinabi niya na wala pa ring sapat na ebidensya tungkol sa mga benepisyo ng pangalawang booster sa pangkalahatang publiko, kumpara sa mga prayoridad na sektor na mas mahina sa virus.

“We always base our decisions on evidence. Currently, evidence for second boosters among the general population is still very sparse,” sabi ni Vergeire.

“There’s really no direct evidence right now that it would provide more benefit to our general population when we give our second boosters to them.”dagdag pa

Sinabi ni Vergeire na pangunahing isinasaalang-alang nila ang kakayahan ng katawan na protektahan ang sarili mula sa impeksyon sa karaniwang anim na buwang panahon na ibinigay bago tumanggap ng susunod na dosis.

Lumalabas sa datos ng gobyerno na noong Hunyo 17, may kabuuang 70,005,247 Pilipino o 77.78% ng target na populasyon ang ganap na nabakunahan.

Humigit-kumulang 14.7 milyon ang nakatanggap din ng kanilang unang booster, habang 648,555 ang nakakuha ng kanilang pangalawang booster dose.

Nagbabala ang Department of Health tungkol sa “start in the peak in the number” ng COVID-19 cases sa NCR at ilang bahagi ng bansa.

Nauna nang inanunsyo ng DOH na natukoy nito ang lokal na transmission ng Omicron subvariants na BA.2.12.1 at BA.5, na iniulat na mas transmissible kaysa sa iba pang variant.

Nasa ilalim pa rin ng Alert Level 1 ang Metro Manila at ilang iba pang lugar, ang pinakamababang klasipikasyon ng panganib sa COVID-19 hanggang sa katapusan ng Hunyo.

Sinabi ni Vergeire na mahigit 41 milyong Pilipino ang hindi pa nakakakuha ng kanilang booster.

Nanawagan siya sa publiko na huwag maghintay ng isa pang surge bago kumuha ng kanilang karagdagang shot kung sila ay karapat-dapat na gawin ito. Jocelyn Tabangcura-Domenden