McGregor balik sa hawla – White

McGregor balik sa hawla – White

June 30, 2022 @ 5:16 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Target ng dating two-division UFC world champion na si Conor McGregor na makabalik sa huling bahagi ng taong ito, kung hindi man sa unang quarter ng 2023, ayon kay UFC President Dana White.

Galing si  McGregor, 33,sa back-to-back na pagkatalo sa kamay ng dating UFC interim lightweight champion na si Dustin Poirier.

Huli siyang lumaban noong Hulyo 2021 sa UFC 264 kung saan naranasan niya ang first-round technical knockout matapos siyang magkaroon ng freak injury kung saan nabali ang binti nito.

“Nais ni Conor na bumalik sa katapusan ng taong ito o sa unang bahagi ng susunod na taon. Nang kinausap ko siya nais talaga niyang lumaban,” ani White.

“Nakakakuha si Conor ng lahat ng uri ng mga alok para sa pelikula at lahat ng iba pang mga bagay na maaari niyang gawin para kumita ng pera. Ayaw niyang gawin iyon. Gustong lumaban ni Conor.”

Ang Irish mixed martial arts superstar, na may hawak na record na 22-6, ay dahan-dahang gumaling mula sa injury at madalas na nagpo-post ng mga video sa social media na nagsasanay sa boksing.

Bagama’t may mga tsismis na maaari niyang labanan muli si Floyd Mayweather Jr. sa isang eksibisyon, ginagarantiyahan ni White na ang susunod na laban ng kanyang ward ay sa mixed martial arts.

“Ito ay nasa hawla,” ani White.JC