MEAL ALLOWANCE NG SUNDALO ITAAS

MEAL ALLOWANCE NG SUNDALO ITAAS

September 30, 2022 @ 8:41 PM 2 months ago


NANLUMO sina Senador Raffy Tulfo at Ronald “Bato” Dela Rosa makaraang mapag-alaman nitong P150 lang pala ang allowance sa pagkain bawat araw ng mga sundalo na hindi naman sapat sa kanila sa gitna ng napakamahal na bilihin ngayon.

Ito ang lumabas matapos ang isinagawang budget hearing ng Department of National Defense sa Senado kung saan panahon pa pala ng yumaong si dating Pangulong Noynoy Aquino ang subsistence allowance na ito ng bawat sundalong na sadyang napakaliit naman.

Sabi nga ng idolo ng masang si Sen. Tulfo, hindi man lang makabili ng burger ang tagabantay ng kaligtasan ng mamamayan kung pagbabatayan ang alokasyon sa pagkain na ito.

Hindi ba’t mistulang mga basang sisiw ang ating mga sundalo sa pondong ito habang hinahabol nila sa kabundukan ang masasamang elemento at teroristang naghasik ng karahasan sa taumbayan?

Ano nga ba ang mabibili sa kakarampot na halagang itong kailangan ng militar ng ibayong lakas at enerhiya sa bawat misyon at panganib na sinusuong nila masiguro lang ang katahimikan ng sambayanan laban sa anomang banta sa kapayapaan?

Wala rin namang magawa ang itinuturing na mga bayani ng bansang pinagtitiyagaan ang sardinas at iba pang mumurahing de-lata samantalang kumakain ng masasarap na pagkain sa magagarang resto ang kanilang opisyal.

Ano nga ba ang pakialam ng ilang heneral na nakatira sa naglalakihang mansyon samantalang pinagkakasya na lang ng mga sundalo ang budget nilang pantawid-gutom habang nakikipaglaban ang mga ito sa kabundukang anomang oras ay posibleng mamatay sa giyera?

Marapat na itaas na ng kasalukuyang administrasyon ang panggastos sa pagkain ng mga ito upang mabigyan naman ng kahit konting kunswelo ang mga sundalong patuloy na walang reklamo sa bawat misyon na iniaatas sa kanila ng mga opisyal.

Batid ng taumbayang ikokonsidera ito ni Pangulong Bongbong Marcos dahil isa rin siyang dating militar na ibunuwis ang buhay para sa kaligtasan ng mamamayan.