MedCert ni BBM, gustong ipanotaryo ni Guanzon 

MedCert ni BBM, gustong ipanotaryo ni Guanzon 

January 11, 2022 @ 7:25 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Iaatas ni Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon, Lunes, sa kampo ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magpresenta ng nakanotaryong medical certificate matapos na hindi dumalo sa pagdinig ng disqualification cases.

Matatandaang noong Enero 7 nang hindi dumalo si Marcos Jr., sa online hearing ng Comelec para sa disqualification case laban sa kanya.

Dito nagpresenta ang kampo ni Marcos Jr., ng medical certificate na mayroong sakit ang presidential aspirant at nahihirapang huminga dahil sa “painfully congested throat.”

Mula kay Dr. Benedict Francis Veldecanas ng Aegle Wellness Center ang nasabing medical certificate.

Sa kabila nito, sinita ng netizen ang pagpapainterbyu ni Marcos sa isang radio show noong Enero 6, pero hindi naman dumalo sa hearing sa Comelec.

Nagpaliwanag naman rito ang kampo ni BBM kung saan sinabi nila na matapos ang interbyu sa radyo ay doon umano mas lumala ang kondisyon ng dating senador.

“We believe it was that afternoon interview which exacerbated his condition. On the morning of Jan. 7, BBM was obliged to go in isolation because his condition worsened,” paliwanag ng spokesperson Vic Rodriguez.

“A judgment call was made to let BBM continue with his needed rest, since he was in bed after taking his medicines,” dagdag pa niya.

Sa kabilang banda, sinita naman ni Guanzon ang kampo ni Marcos kung bakit hindi ito agad nagpasabi sa poll body, isang araw bago ang hearing, gayong alam na nila ang kondisyon ng presidential aspirant.

Inaasahang bandang Enero 17 ilalabas ng Comelec ang desisyon ukol sa disqualification case ni Marcos Jr. RNT