MEDIA SAFETY, PRIME CONCERN NG MALABON COPS

MEDIA SAFETY, PRIME CONCERN NG MALABON COPS

October 11, 2022 @ 4:00 PM 2 months ago


KAUGNAY sa pagpatay kamakailan kay broadcaster Percival Mabasa a.k.a. Percy Lapid sa Las Piñas City ay muli na namang naging maiinit na usapin ang seguridad ng media.

Ang Philippine National Police sa pamamagitan ng liderato ng National Capital Region Police Office ay nagpalabas ng direktiba na pagtugon sa security concerns ng mga miyembro ng media.

Iniatas ni NCRPO director PBGen. Jonnel Estomo sa limang district directors at mga chief of police sa kanyang nasasakupan na makipag-ugnayan sa media sa kanilang area of responsibility.

Ayon kay Estomo, sa pamamagitan ng isasagawang dialogo sa media ay magkakaroon ang pulisya ng ideya kung nadedelikado ang buhay ng isang media practitioner.

Sa aking pagkakaalam, bago pa man ang NCRPO order, ang pulisya ng Malabon ay ‘in constant dialogue’ na sa media – residente man o non-resident ng lungsod.

Pero magkaganon pa man, sumunod ang Malabon Police Station sa direktiba dahil isa ako sa mga tinawagan para isailalim sa mga tanong na may kinalaman sa aking seguridad at maging nang sa pamilya ko.

Sa akin lang, may tiwala tayo sa pulisya ng Malabon City. Media ka man o hindi, ginagawa nila ang kanilang trabaho, nagbabantay para maprotektahan ang mamamayan.

Pero iba kasi kapag “under threat” na ang broadcaster, reporter, kolumnista, editor, etcetera, dahil alam ng lahat na napakalaga ang role na ginagampanan ng media sa nation building.

Para makasiguro na ang media ay safe sa Malabon, nakikiusap si PCol. Al Barot sa media, lalo na sa mga miyembro na residente ng lungsod, na sumangguni sa kanyang tanggapan para sa kanilang safety assessment.

Ang seguridad ng lahat, partikular ng media ay prayoridad na binabantayan at prime concern ng kapulisan ng Malabon, sambit sa Chokepoint ni Barot.